ni ROSE NOVENARIO
MAAARING drug money ang ginamit na puhunan ng Pharmally Pharmaceutical Corporation para pondohan ang nasungkit na P8.6-B kontrata ng medical supplies mula sa administrasyong Duterte kaya walang money trail o walang bakas kung saan nanggaling ang puhunan ng kompanya.
Inihayag ito ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon kaya hiniling niya sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang bank transactions ng Pharmally.
Kung hindi maipaliwanag kung saan nagmula ang bilyon-bilyong pisong ginamit na kapital ng Pharmally para tustusan ang kontratang ipinagkaloob sa kompanya ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM), pasok aniya ito sa money laundering.
Ang money laundering ay isang krimen na ang kinita mula sa ilegal na gawain ay ginamit sa mga lehitimong transaksiyon upang palabasin na legal ang pinanggalingan ng pera.
Mandato ng AMLC na tiyakin na hindi magagamit ang bansa bilang kuta ng money laundering activities.
“I would like to ask the Money Laundering Council to inspect all the bank transactions that may have occurred with this company so we will know the money trail because there’s so much billions of pesos that have occurred here. Saan naggaling ‘yang perang ‘yan at bigla silang nakapag-transact sa gobyerno na wala silang ipinakikitang kapital kundi ang P625,000,” sabi ni Gordon sa Senate hearing noong Biyernes.
“So kung wala silang maipakita, puwede bang pumasok ‘yan sa tinatawag natin na money laundering? Kung hindi nila maipaliwanag saan nanggaling ‘yang perang ‘yan? Puwedeng manggaling sa droga ‘yan, tama ba ‘yun?” ani Gordon sa tax expert na si Mon Abrera na kinatigan nito.
Inamin sa pagdinig ni Pharmally president Huang Tzu Yen nang nanalo ang Pharmally ng kontrata ay wala itong kakayahang pinansiyal para tustusan kaya nangutang kay Michael Yang, dating economic adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Taliwas ito sa naunang pahayag ni Yang sa Senado na ang papel lamang niya ay bilang facilitator sa pagitan ng Pharmally at suppliers sa China.
Nagsinungaling rin si Lincoln Ong, opisyal ng Pharmally, na naging guarantor lang si Yang sa Chinese suppliers kaya isinailalim siya sa house arrest ng Senado.
Maging si Yang ay muling ipinaaresto ng Senado dahil hindi nagsabi ng katotohanan ngunit hindi pa batid kung paano ipatutupad ito.
Matatandaan na iniugnay ni dating P/Col. Eduardo Acierto si Yang sa drug syndicate na ikinagalit ni Pangulong Duterte dahil matagal na niyang kaibigan ito at ginawa niyang enkargado sa kanyang binuhay na relasyon ng Filipinas sa China.
Ipinagmalaki ng Pangulo na kaibigan si Yang ng China ambassador to the Philippines Zhao Jianhua.
Sa ulat ng news website bilyonaryo.ph noong 1 Setyembre 2021, walang koneksiyon ngayon si Yang sa Chinese embassy mula nang palitan ni Huang Xilian si Zhao noong Disyembre 2019.
“The Chinese ambassador doesn’t trust him (Yang) he has too much baggage and his alleged links to illegal drugs, smuggling, and money laundering are just too much to ignore,” sabi ng source sa news website.
Maging ang kasosyo ni Yang na si Allan Lim ay naungkat sa pagdinig sa Senado na akusadong sangkot sa illegal drugs.
Ipinakita sa Senado ang larawan ni Lim na kasama si Yang sa pulong kay Pangulong Duterte noong Marso 2017 pati ang retrato rin ni Lim kasama sina Yang at Sen. Christopher “Bong” Go.
Sa pagdinig ay ipinakita rin ang ugnayan ng asawa ni Lim na si Rose Nono Lin sa iba’t ibang kompanya kabilang ang Pharmally Biological Incorporated, sister company ng Pharmally Pharmaceutical at ng Full Win o Fu De Shieng Group sa Filipinas na pinamumunuan ni Yang.
Dahil dito pinadalhan ng summon si Rose Nono Lin na sinasabing maaaring maging susi upang maliwanagan ang komite sa mga kaduda-dudang koneksiyon na ito.
Kaugnay nito, desidido ang Senado na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa kabila ng matinding pag-atake ni Pangulong Duterte sa mga senador at banat na puputulin ang ugnayan ng gobyerno sa Philippine National Red Cross (PNRC), isang humanitarian organization na pinamumunuan ni Gordon.