Rated R
ni Rommel Gonzales
MULING patutunayan ni Kelvin Miranda ang husay sa pag-arte sa fresh episode ng award-winning anthology na Magpakailanman sa Sabado, September 11.
Bibigyang-buhay ni Kelvin ang kuwento ni Kim, isang matalino subalit pasaway na iskolar na gagawin ang lahat maiahon lang sa kahirapan ang pamilya. Makakasama rin sa episode sina Rita Avila bilang Nanay Cecilia; Prince Clemente bilang Jun; at Sophia Senoron bilang Marian.
Kahit na pasaway at puno ng kalokohan, naniniwala si Kim na tanging edukasyon lang ang makatutulong sa kanya upang masuportahan ang pinansiyal na pangangailangan ng kanilang pamilya.
Kung kaya naman kung ano-anong trabaho ang pinasok ni Kim matapos ang high school. Naniniwala rin ang kanyang Nanay Cecilia na mas mabuti na magtrabaho siya sa halip na magkolehiyo, bagay na sinasang-ayunan ng kanyang kapatid na si Jun.
Imbes na panghinaan ng loob, nagsumikap si Kim na pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho upang makatulong sa kanyang pamilya.
Abangan ang nakai-inspire na kuwento ni Kim sa fresh episode ng #MPK na pinamagatang Pasaway na Iskolar sa Sabado, 8:00 p.m., sa GMA-7.