BINAWIAN ng buhay ang dalawang PDL (persons deprived of liberty) kabilang ang siyang may hawak ng baril, habang sugatan ang limang iba pa, sa insidente ng pamamaril sa loob ng isang selda ng Oriental Mindoro Provincial Jail nitong Martes ng madaling araw, 7 Setyembre.
Iniulat sa pulisya ni Prison Guard I Ricky Rom, na dakong 2:00 ng madaling araw kahapon habang tulog ang lahat, bigla na lamang umanong binaril nang ilang beses ng suspek na kinilalang si Edison Sampaga, 41 anyos, ang biktimang si Lowelyn Mendoza, 36 anyos, gamit ang 9mm caliber pistol sa Selda 1 ng provincial jail sa Brgy. Camilmil, lungsod ng Calapan, lalawigan ng Oriental Mindoro.
Sa pamamaril ng suspek, tinamaan rin ang limang iba pang PDL na kinilalang sina Jeffrey delos Reyes, 37; Christian Licuan, 45; Hector Abes, 41; Mark dela Cruz, 42; at Alberto Ebueza, 21, bago siya nagbaril sa sarili.
Dinala ang mga biktima at ang suspek sa ospital para lapatan ng lunas ngunit namatay sina Sampaga at Mendoza habang nasa daan patungo sa Kapitolyo.
Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang 10 basyo ng bala, depormadong bala, limang bullet fragments, cellphone, at itim na holster.
Dinala ang labi ni Mendoza sa Naujan Funeral Homes para sa awtopsiya habang nasa morgue ng Oriental Mindoro Provincial Hospital ang bangkay ng suspek.
Nasa kustodiya ng pulisya ang armas na ginamit ng suspek at dadalhin sa Regional Crime Laboratory Office 4-B para sa ballistic examination.
Tinutukoy pa kung saan at paano nakakuha ng baril si Sampaga.
Sa patuloy na imbestigasyon, tinitingnan ng mga awtoridad ang posibilidad na may depresyon ang suspek kaya nagawa ang krimen. (ALMAR DANGUILAN)