BALIK-KULUNGAN ang isang lalaki na dadalaw sa kanyang dating kakosa nang makuhaan ng shabu na ipinalaman sa tinapay sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan City chief of police (COP) Col. Samuel Mina, Jr., ang naarestong suspek na si Francisco Paquiado, 23 anyos, residente sa DM Cmpd. Heroes Del 96, Brgy, 73, nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165.
Sa imbestigasyon ni P/Cpl. Rafael Tuballes, dakong 9:20 pm, nang mabuking ang dalang tinapay ng suspek para bumisita at magdala ng pagkain sa kanyang dating kakosa.
Naka-duty sina P/Cpl. Sarjhun Bello at P/SSgt. Erikcson Lising sa West Grace Park Police Sub-Station (SS3) at bilang bahagi ng standard operating procedure, kinapkapan ng mga pulis ang suspek saka sinuri ang dala nitong pagkain.
Napansin ng pulis ang isa sa mga tinapay (pan de coco) na kahina-hinala ang butas.
Nang suriin sa harap ng suspek at iba pang pulis na naka-duty, nakuha sa loob ng tinapay ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P816 ang halaga, dahilan upang arestohin si Paquiado.
Ayon kay Col. Mina, dating nakulong ang suspek sa SS3 mula 20 Hunyo 2021 hanggang 2 Setyembre 2021 dahil sa paglabag sa PD 1602 (cara y cruz). (ROMMEL SALES)