DALAWANG tulak ng ilegal na droga ang naaresto sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon City Police deputy chief P/Lt. Col. Rhoderick Juan ang naarestong mga suspek na sina Mark Francisco, 37 anyos, delivery boy, residente sa S. Pascual St., Brgy. San Agustin; at Antonio Intino, 53 anyos, ng Borromeo St., Brgy. Longos.
Sa imbestigasyon ni P/MSgt. Randy Billedo, dakong 11:55 pm nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Alexander Dela Cruz ng buybust operation sa C-4 Road sa kanto ng Borromeo St., Brgy. Longos.
Isang pulis ang nagpanggap na buyer ang nakabili sa mga suspek ng P500 halaga ng shabu.
Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu agad silang sinunggaban ng mga operatiba.
Nakompiska sa mga suspek ang halos 1.65 gramo ng hinihinalang shabu, may corresponding standard drug price na P11,220 at buy bust money.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ROMMEL SALES)