HATAWAN
ni Ed de Leon
SAMPUNG taon na pala ang love team nina Daniel Padilla at Kathryn Bernado. Pero hindi sila ang unang love team ha. Unang nakatambal ni Kathryn si Kristoffer Martin na hindi masyadong nag-click. Tapos na-build-up sila bilang love team ni Albie Casino roon sa remake ng Mara Clara. Kaso isinabit naman ni Andi Eigenmann noong magbuntis siya at inamin ginawa nila iyon dahil takot silang malaman ni dating Pangulong Joseph Estrada na si Jake Ejercito nga ang nakabuntis sa kanya. Bumagsak ang popularidad ni Albie.
Itinambal din si Kathryn kay Enrique Gil na hindi rin masyadong kinagat ng publiko. Tapos halos nakalimutan na ngang nakatambal din niya si Khalil Ramos.
Talagang kinilig lang ang fans noong itambal siya kay Daniel. Sobrang pogi naman kasi si Daniel noong panahong iyon na kahit yata sino itambal sa kanya kikiligin ang fans. Si Daniel ang nagdala ng love team noong una, pero sa pagdaan ng panahon, naka-establish ng fan base si Kathryn, kaya nakagawa siya ng box office history hindi lamang sa pelikula nila ni Daniel, kundi maging noong ang katambal niya ay si Alden Richards. Iyong kumite ng halos P1-B ang pelikula nila ni Daniel, expected iyon. Pero nang kumita ng ganoon din ang pelikula niyang kasama si Alden, iba iyon. Walang ganoong hit si Alden. Iyon ngang serye niya ngayon sa TV nagkaroon pa ng season break eh.
Anyway dahil sa sampung taon ng kanilang love team, gagawa silang muli ng isang serye sa free tv. Tiyak iyan ay mapapanood sa TV5 at doon sa tv station ng Jesus Is Lord, na ginawa nilang A2Z na ngayon. Bukod nga iyan sa cable channel ng ABS-CBN at sa internet. May ginawa rin naman silang internet series na natapos noong Enero pero hindi napansin, Kasi nga bihira naman ang nanonood sa internet na may bayad pa.
At least iyan, na gagawin sa ilalim ng business unit ni direk Ruel Bayani, parang pasasalamat din iyan sa fans na nagtaguyod sa kanila ng sampung taon, at tiyak iyon ang gagamiting formula na kung paano nila napanatili ang kasikatan sa loob ng 10 taon. Ngayon wala nang love team ang tumagal ng ganyan.