NASAKOTE ng mga tauhan ng Maritime police ang tinaguriang Top 1 most wanted person ng Calamba Misamis Occidental sa kanyang pinagtataguan sa Navotas City matapos ang halos anim na taong pagtatago.
Kinilala ni Northern NCR Maritime Police Station (MARPSTA) chief P/Maj. Randy Ludovice ang naarestong si Jesson Arcamo, 28 anyos, binata, seaman/oiler ng M/V Andres Javier 8, residente sa Brgy. San Isidro, Calamba, Misamis Occidental.
Ayon kay P/Maj. Ludovice, dakong 7:40 pm nang isagawa ng mga operatiba ng MARPSTA sa pangunguna ni P/Cpt. Luisito Balatico sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Oliver Tanseco, kasama ang Calamba Municipal Police Station ang joint police operation sa pagsisilbi ng warrant of arrest na nagresulta sa pagkakaaresto kay Arcamo sa harap ng isang fast food, sa Agora St., Brgy. NBBS, Navotas City.
Si Arcamo ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Roy Murallon, acting Presiding Judge ng Regional Trial Court 10th Judicial Region Branch 36, Calamba, Misamis Occidental para sa kasong paglabag sa RA 8353 (Rape), walang inirekomendang piyansa.
Sa rekord ng pulisya, naganap ang panghahalay ng akusado sa isang alyas Lani Bakang noong 2016 na naging dahilan upang sampahan siya ng kasong kriminal sa korte kasunod ng kanyang pagtatago. (ROMMEL SALES)