HATAWAN
ni Ed de Leon
INUTUSAN daw ni Alex Gonzaga ang kanyang PA na kunan ng picture ang isang billboard habang nakabara sila sa traffic sa EDSA, bandang Guadalupe. Pero nang kukuha na iyon ng picture, may tumakbong tatlong lalaki at inagaw ang cellphone. Mabilis din naman ang kanyang driver na bumaba sa sasakyan at hinabol ang mga snatcher. Nahuli nila ang isa, kaya natunton din ang dalawa pa na may hawak ng cellphone.
Nang maibalik ang kanyang cellphone, natuwa naman daw si Alex, nagpasalamat sa mga pulis at hindi na nagdemanda. Dahil walang complainant, pinakawalan din ang mga snatcher na siguro naroroon na naman sa EDSA at naghihintay na naman ng panibagong biktima. Iyan ang problema eh. May mai-snatch, hahabulin ng pulis, mahuhuli. Iyong complainant, basta nabawi na ang cellphone, aalis na lang, ayaw magdemanda dahil istorbo pa iyon sa kanila. Walang magagawa ang mga pulis kundi pakawalan ang suspect. Makalipas lang ang ilang oras may mai-snatch na naman iyang mga iyan.
Sa hirap ng buhay ngayon, at dahil sa kawalan ng trabaho, natural tataas ang krimen. Maraming snatcher, holdaper, akyat bahay, shoplifter at kung ano-ano pa. Eh kasi nga maski na sardinas na tinatanggihang kainin ng pusa wala silang matanggap na ayuda. Eh ano ang aasahan mong gagawin ng mga iyan? Look na lang sa sky and count stars?