BUMAGSAK sa kulungan ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos matimbog sa isinagawang magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa mga lungsod ng Navotas at Valenzuela.
Ayon kay Navotas City chief of police, Col. Dexter Ollaging, dakong 9:00 pm nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Genere Sanchez ng buy bust operation sa Apahap St., Brgy. NBBS Kaunlaran.
Matapos tanggapin ni Dennis Alvarez, alyas Dinay, 50 anyos, kilalang pusher, ang P500 marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang sinunggaban ng mga operatiba.
Nakompiska kay Alvarez ang halos 8.5 grams ng hinihinalang shabu na may corresponding standard drug price (SDP) P57,800 at buy-bust money.
Sa Valenzuela, dakong 9:45 pm nang maaresto rin ng mga operatiba ng SDEU ng Valenzuela police sa pangunguna ni P/Lt. Joel Madregalejo si Jerome Alonde, 29 anyos, residente sa Purok 4, Orosco St., Brgy. Mapulang Lupa, matapos bentahan ng P500 halaga ng shabu si P/Cpl. Maverick Jake Perez na nagpanggap na poseur-buyer sa buy bust operation sa Sapa St., Bisalao, Brgy. Bagbaguin ng nasabing lungsod.
Ani SDEU investigator P/Cpl. Pamela Joy Catalla, nasamsam kay Alonde ang halos tatlong gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price P20,400, buy-bust money, P200 cash at coin purse.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)