ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
IMBESna noong August 8, napaaga ang panganganak ni Ynez Veneracion. Nagsilang ang aktres ng isang cute na baby girl last July 30, 2021 sa St. Lukes Medical Center via caesarean.
Pinangalanan nila itong Jianna Kyler ng kanyang non-showbiz boyfriend na si Bryan Julius Recto.
Ayon sa aktres, itinuturing niyang heaven sent ang kanyang second baby.
Saad ni Ynez, “Nagulat ako, kasi kamukha ng tatay. Grogy pa ako sa anesthesia paggising ko, ang una kong narinig sa nurse, ‘Mam nandyan na baby mo, kamukhang-kamukha ng daddy, hahaha!’ So sabi ko, ‘Ahh… sige tulog na ako ulit hahaha!’ Pero seriously, noong nakita ko siya ay parang nakalimutan ko lahat nang hirap ko ng nine months na dinala ko siya sa sobrang saya ko. Heaven sent talaga siya.”
Ano ang naging reaction ng kanyang BF?
Wika niya, “Sabi niya noong nakita raw niya na lumabas si baby at narinig daw niya na umiyak, naluha raw siya sa tuwa. Nasa loob kasi siya ng OR, pinapasok siya ng doctor ko noong ilalabas na si baby, kaya medyo nasaksihan niya yung ibang ginawa sa CS.”
Nanibago raw si Ynez sa pag-aalaga ng baby.
“Noong una oo. ‘Di ko na masyado maalala gagawin na pag-aalaga ‘pag infant. So, nagtanong-tanong ako kina ate Sylvia Sanchez at Anne Feo. Big help nila sa akin at kay baby,” lahad pa niya.
May plano na ba silang magpakasal ng BF niya? Tugon ng aktres, “Mayroon, pero siyempre bago pa lang kami eh, magtwo-two years pa lang. So, nandoon pa kami sa stage na kilalanin talaga namin mabuti ang isa’t isa… thou ibang level nga lang ngayon dahil may baby na kami.
“As of now i-enjoy muna namin ang baby at magbi-business para sa needs ng baby. Madali lang naman ang magpakasal, ang importante sure na kayo talaga sa isa’t isa, na gusto nyo na. Mahirap kasi yung magpapakasal ka ngayon, tapos darating ang araw na maghihiwalay din kayo, kasi ‘di kayo compatible. So, sayang lang ang pera sa annulment, hahaha!“Ang kasal, hindi siya yung parang pagkain na isusubo mo tapos pag-ayaw mo na ay pwede mong iluwa agad. Mas naniniwala ako sa magsama muna kayo ng ilang taon, para makilala nyo ang isa’t isa at para makasiguro kayo na ‘yun talaga ang gusto ninyo. Kasi darating din ang time na kusa ninyong mararamdaman na, ‘Ay eto na, siya na’ at puwede na kaming magpakasal,” esplika pa ni Ynez.