DALAWANG hinihinalang tulak ang inaresto matapos makuhaan ng mahigit P.1 milyon halaga ng droga sa isinagawang anti-illegal drug monitoring ng pulisya sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Navotas City chief of police (COP) Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek na sina Joseph De Leon, 33 anyos, residente sa Brgy. Tanza 2; at Eldon Casarigo, alyas Toyo, 23 anyos, residente sa Brgy. Tangos South.
Ayon kay Col. Ollaging, dakong 7:40 pm nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Genere Sanchez ng anti-illegal drug monitoring sa kahabaan ng Badeo 5, Brgy. San Roque.
Dito naaresto ng mga operatiba ang mga suspek at nakompiska ang dalawang transparent plastic sachets na naglalaman ng halos 15 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P102,000.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ROMMEL SALES)