ARESTADO ang apat na sugarol kabilang ang isang ginang sa isinagawang anti-illegal gambling operation ng pulisya sa Malabon city, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga naaresto na sina Alexander Debelen, 33 anyos, vendor, taga-Pandi Bulacan; Jesus Pilario, 65 anyos, tricycle driver, ng Brgy. Tañong; Veronica Onipa, 55 anyos, kasambahay, ng Brgy. San Agustin; at Alvin Fajardo, 27 anyos, ng Brgy. Tañong.
Batay sa pinagsamang ulat nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Mardelio Osting kay Malabon police chief Col. Albert Barot, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) mula sa isang Barangay Informant Network (BIN) hinggil sa nagaganap na illegal gambling sa F. Sevilla St., Brgy. San Agustin.
Kaagad bumuo ng team ang pinagsanib na puwersa ng SIS sa pangunguna ni P/Lt. Zoilo Arquillo at ang Sub-Station 6 saka nagsagawa ng joint operation sa naturang lugar dakong 7:45 pm na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek matapos maaktohang naglalaro ng pusoy.
Nakompiska ng pulisya ang isang deck ng playing cards at P4,800 bet money.
Matagal nang ipinagbabawal ang anomang uri ng sugal sa Malabon City.
(ROMMEL SALES)