BILANG paghahanda sa napipintong operasyon nito, pinasinayaan ang unang Super Health Center ng lungsod ng Malabon sa barangay Catmon nitong umaga ng 19 Hulyo, araw ng Linggo.
Sa pangunguna ni City Mayor Antolin A. Oreta III, binuksan para sa mamamayang Malabonian ang dalawang-palapag na gusaling pangkalusugan upang magbigay ng kinakailangang serbisyong medikal lalo sa panahon ng pandemya.
Ayon sa alkalde, “karagdagan ang serbisyo nito sa ibinibigay ng Ospital ng Malabon at mas malapit sa Malabonian na taga-unang distrito ng lungsod.”
Kabilang sa mga klinikang may 24-oras konsultasyon sa Super Health Center ang Pediatric, Adult, Internal, at OB-Gyne Clinics, habang magbibigay din ng routine laboratory tests tulad ng Complete Blood Chemistry (CBC), urinalysis at iba pa, at minor surgeries.
“Libre ang serbisyo nito para sa publiko para maagap na malunasan ang ating mga karamdaman bago pa ito lumala,” dagdag ng alkalde.
Nakatutok ang serbisyo ng Super Health Center sa mga barangay ng unang distrito ng lungsod, kabilang ang Panghulo, Maysilo, Santolan, Dampalit, Muzon, Hulong Duhat, Flores, Bayan-bayanan, Baritan, Concepcion, Niugan, Ibaba, San Agustin, at Tañong.
Nasa okasyon din si Congresswoman Jaye Lacson-Noel, sina Vice Mayor Bernard Dela Cruz, at City Councilor Jose Lorenzo “Enzo” Oreta bilang kinatawan ng Sangguniang Panlungsod.
Sa hinaharap ay magkakaroon ng libreng Birthing facility para sa manganganak na Malabonian at ng X-ray at ultrasound services para sa nangangailangang pasyente.
Napakahalagang maalagaan ang kalusugan ng ating mamamayan, kaya’t titiyakin ng lungsod na mailarga ang mga serbisyo ng Super Health Center para sa mamamayan ng lungsod, ani Konsehal Enzo Oreta.
Nakatakda sa hinaharap ang pagkakaroon ng isa pang Super Health Center para sa ikalawang distrito ng lungsod. (ROMMEL SALES)