NAARESTO ng mga awtoridad ang limang holdaper sa isang follow-up operation na nagresulta rin sa pagkakakompiska ng mga shabu, armas at mga bala sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City, nitong Martes ng gabi.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) Director P/BGen. Antonio Yarra, mula kay P/Lt. Col. Jeffrey Bilaro, hepe ng Holy Spirit Police Station (PS-14), ang mga naaresto ay kinilalang sina Lourence Laurel, 29 anyos; Gueller Canlas, 25; Rey Terga, 35; Myla Ecal, 23, pawang residente sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City; at Richard Sillar, 30, residente sa 41, Purok 4A, Brgy. Culiat, Quezon City.
Batay sa ulat, dakong 5:00 am nitong 19 Hulyo, nang maganap ang robbery incident na umano’y kinasasangkutan ng mga suspek sa Andrew St., Metro Heights Subd., Brgy. Culiat, sa lungsod.
Nang magsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad ay positibo nilang natukoy ang pagkakakilanlan ni Laurel sa CCTV footage na nakuha mula sa isang kalapit na establisimiyento, at nagresulta sa pagkakaaresto ng iba pang mga suspek dakong 11:30 pm nitong Martes sa Lukban St., Area 9, Brgy. Pasong Tamo.
Nabatid na si Laurel ay may dati nang kinakaharap na kasong robbery habang sina Canlas, Sillar, at Ecal naman ay may mga kasong paglabag sa pag-iingat ng ilegal na droga.
Nakompiska mula sa mga suspek ang limang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P34,000, dalawang kalibre .38, dalawang kalibre .45 replica, tatlong kalibre .38 live ammunitions, isang Rusi motorcycle, may plakang NE53316, anim na iba’t ibang relo, isang pares ng sunglasses, isang pares ng Converse shoes, dalawang motorcycle helmets, at isang cellular phone.
Ang mga suspek ay mahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002; at RA 10591 o The Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions sa piskalya. (ALMAR DANGUILAN)