ARESTADO ang isang construction worker habang pinaghahanap ang dalawang kasabwat nito matapos pasukin at pagnakawan ang isang online shop sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong suspek na si Wilfredo Arias, 28 anyos, residente sa Pinagsabugan, Brgy. Longos habang pinaghahanap ng mga pulis si Dindo Vilela, 38 anyos at isa pang hindi kilalang kasabwat.
Sa pahayag ng mga nakasaksi kina police investigators P/SSgt. Michael Oben at P/SSgt. Jeric Tindugan, dakong 4:30 am, nakita nilang sakay sa isang tricycle ang mga suspek at sapilitang binuksan ang pinto ng Jheylyn Online Shop sa Sanciangco St., Brgy., Tonsuya gamit ang lagaring pambakal.
Nang makapasok ang mga suspek, kinuha ang P15,000 cash, apat na kahon ng Cadburry licable’s chocolate, isang box ng Tang Oranges Juice, apat na kahon ng Oreo Cup, isang box ng Magnolia Cheezee (150 pcs.) at tatlong 1L bottle ng Alfonso brandy na umabot lahat sa P45,350 ang halaga.
Matapos ito, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng get-away tricycle habang ipinaalam ng mga saksi sa biktimang si Raynalyn Neri, 27 anyos, isang businesswoman at residente sa Pasco St., Brgy. Tonsuya ang insidente.
Humingi ng tulong ang biktima sa mga barangay tanod at Malabon Police Sub-Station 5 na nagresulta sa pagkakaaresto kay Arias. Nakompiska ang ginamit na get-away vehicle ngunit hindi na narekober ang mga ninakaw.
(ROMMEL SALES)