BULABUGIN
ni Jerry Yap
PARANG may bago na namang ‘zombie’ na nakapasok sa teritoryo ng Filipinas.
Parang nasa isang pelikula na naman tayo na nangangarag kung paano susugpuin ang ‘zombie.’
‘Yan ang pakiramdam ng marami sa atin kapag mayroong announcement ang Department of Health (DOH) o ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa mga bagong development hingggil sa CoVid-19.
Pumasok na nga raw ang kinatatakutang Delta variant sa bansa. Ito raw ‘yung airborne, mabilis makahawa, at gaya nang dati, deadly.
Umabot na raw sa 16 ang Delta variant case, isa na ang patay.
Lima sa mga positibo sa Delta variant ay mula sa United Arab Emirates, Qatar, at United Kingdom.
Sa 11 local transmissions, anim ang nasa Mindanao, dalawa sa Metro Manila area, isa sa Central Luzon, at dalawa sa Central Visayas.
Ayon kay Dr. Franco Felizarta, infectious disease and internal medicine specialist na nakabase sa US at nagtapos sa University of the Philippines, para maabot ang herd immunity laban sa Delta variant, kailangang 80 percent ng populasyon ang nabakunahan na laban sa CoVid.
Pero sa huling ulat, 10 porsiyento pa lamang ng mga nabakunahan ang naturukan ng first dose habang 3.67 percent ang fully vaccinated.
Kung ganyan daw ang mangyayari, aabutin tayo ng 1.5 years o hanggang Enero 2023 bago marating ang target na herd immunity, ayon daw ‘yan sa vaccine tracker.
Ang remedyo ng DOH, bilisan ang pagbabakuna at hagipin ang mas maraming sektor na dapat bakunahan.
E paano ngang mabibilisan kung tinatsani ang bakuna?!
Aba ‘e, maya’t maya napapanood natin sa telebisyon na may dumarating na bakuna, pero ang ipinagtataka natin, bakit makupad pa sa usad ng pagong ang vaccination?
Nasaan ang mga bakuna?
E ‘di nandoon, iniipit ng mga hindoropot na politiko at balak pa yatang gamitin sa eleksiyon!
Hoy, madaling mapaso ang bisa ng bakuna! Huwag na ninyong gamitin ‘yan sa pamomolitika ninyo at baka lalo pang samain ang kapalaran ninyo.
LGUs, huwag kayong magpaurot sa mga politikong bulok. Ilarga ninyo ang bakuna kung gusto ninyong paniwalaan kayo ng constituents.
Inuulit lang po natin, ilarga na ninyo ang bakuna!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com