PATAY ang isang rider nang sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa isang trailer truck kamakalawa ng madaling araw sa Caloocan City.
Dead on arrival sa Caloocan City Medical Center (CCMC) ang biktimang si Amhangel Yaris, 33 anyos, residente sa Sto. Domingo, Quezon City sanhi ng grabeng pinsala sa ulo at katawan.
Sa ulat na isinumite ni P/Cpl. Dino Supolmo, may hawak ng kaso kay Caloocan City chief of police, Col. Samuel Mina, dakong 2:45 am mabilis na tinatahak ng biktima sakay ng kanyang Yamaha Aerox motorcycle, ang kahabaan ng 10th Avenue patungo sa gawi ng A. Bonifacio habang tumatahak sa 5th St., ang trailer truck galing sa C-5 Road patungong EDSA.
Pagsapit sa kanto ng 10th Avenue at 5th Street, sumalpok ang biktima sa kaliwang bahagi ng trailer truck na naging dahilan upang tumilapon sa sinasakyang motorsiklo at bumagsak sa sementadong lansangan.
Imbes huminto para tulungan ang biktima, mabilis na pinaharurot ng driver ng trailer truck ang minamanehong sasakyan patungong EDSA hanggang tuluyang maglaho sa paningin ng ilang mga nakasaksi.
Iniutos na ni Col. Mina ang pagsusuri sa mga nakakabit na close circuit television (CCTV) camera sa lugar na posibleng nakahagip sa insidente upang matukoy ang plate number ng sasakyang nakasalpukan ng namatay na biktima. (ROMMEL SALES)