Wednesday , December 25 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Maraming salamat kaibigang Nonoy Espina

BULABUGIN
ni Jerry Yap

NANGHIHINAYANG ako na naging mabilis ang ating pagkakaibigan, lalo nang malaman ko na halos magsing-edad pala tayo.

 
Nakalulungkot na mas maaga kang pinauwi ng Dakilang Manlilikha.
 
Hanggang ngayon, saludo ako sa ginawang pagdamay sa akin ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).
 
At hindi ko iyon malilimutan.
 
Akala ko noon ay pangalan lang ng isang organisasyon ang NUJP. Pero nang iabot mo sa akin ang iyong mga kamay, nakita at naramdaman ko ang NUJP — ang tunay na nagmamalasakit sa mga mamamahayag, at sa tunay na diwa ng freedom of the press.
 
Sa likod ng ‘pagtatraidor’ ng ilang mga taong pinagkatiwalaan ko, ikaw, kayo ng NUJP ang nagtanggol sa akin.
 
Patraidor akong hinainan ng warrant of arrest sa kasong libelo, isang araw ng Linggo ng Pagkabuhay, 5 Abril 2015, pagbaba ko sa Airport, kasama ang aking pamilya. Hindi sanay ang mga anak ko sa ganoong sitwasyon, kaya minabuti kong sumama nang tahimik sa mga awtoridad.
 
Kasunod ng pangyayaring iyon, ang NUJP ang sumuporta sa akin at tumulong para maipahayag sa publiko ang kawalang katarungan na aking naranasan.
 
Pero mas lalo pa kitang hinangaan dahil nakita ko kung gaano ka katapat at kadedikado sa pagsusulong ng freedom of the press at pagtatanggol sa mga kabarong walang kahit ano, maliban sa katuwiran, paninindigan, at prinsipyo.
 
Lagi kang naroon bilang tagapakinig at laging may nakareserbang suporta sa mga nangangailangan, kahit ikaw mismo ay biktima ng kawalang katarungan nang tanggalin sa huling kompanyang iyong pinagtrabahuan.
 
Hindi mo iniwan ang mga pamilya ng mga mamamahayag na biktima ng Ampatuan Massacre sa Maguindanao noong 2009 hanggang hatulan ang mga akusado noong 2019.
 
Naroon ka sa laban ng mga mamamahayag sa pagpapasara ng Duterte administration sa ABS CBN.
 
Hindi ka lang kasama, nasa unahan ka lagi ng laban. Ginagawa mo iyon nang walang pag-iimbot at walang hinihinging kapalit.
 
Isang tunay na lider ng mga mamamahayag na hindi naghahangad ng posisyon sa organisasyon para ipang-barter ng posisyon sa gobyerno.
 
Sa panahon ng pandemya, at kahit ikaw mismo ay naging biktima nito, ang inisip mo pa rin ay makatulong at makapag-ambag sa mga mamamahayag na walang masulingan at nangangailangan ng tulong.
 
Kaisa mo rito ang iyong pamilya kaya naman kahapon, araw ng Huwebes, 8 Hulyo, napagkaisahan na ang lahat ng abuloy o donasyon sa iyong pagkamatay ay ipagkakaloob sa NUJP upang maging pondo para sa kalusugan at kapakanan ng mga kapwa mamamahayag at iba pang media workers.
 
Pormal na inihayag kahapon ang pagtatatag ng Nonoy Espina Emergency Fund for Media Workers bilang pagkilala sa kanya na dating tagapangulo ng NUJP.
 
Hanggang sa iyong pagpanaw, hindi ka naging maramot Nonoy.
 
Maraming salamat sa iyong pagiging bukas-palad.
 
Isang makabuluhang paglalakbay kaibigang Jose Jaime Espina a.k.a. Nonoy, pabalik sa pinagmulan. Gabayan ka ng sinag at liwanag patungo sa walang hanggang kapahingahan.
 
Uulitin ko, maraming salamat.
 
Rest in peace, Noy.
 
So long…
COMM. MORENTE MALAKI BA
ANG TAKOT SA COVID-19
KAYA LAGING WALA SA BI-OCOM?
 
HALOS lahat ng Bureau of Immigration (BI) employees sa Main Office ay napapansin na laging wala sa kanyang opisina ang ama ng kanilang ahensiya.
 
Kung ano nga raw ang sipag pumasok sa BI-OCOM ng isang hao shiao na si alyas Boy Sagu ay ganoon naman umano kadalang ang pagpasok ni Morente.
 
Paano kaya ginagawa ni Morente ang kanyang trabaho kung lagi siyang wala sa kanyang opisina?
 
Work at home ba siya?
 
Tawag at text lang sa kanyang mga tauhan sa BI-OCOM?
 
Natural na hahanapin ang isang “Ama” ng tahanan kapag hindi nakikita ng kanyang mga anak, ‘di ba?
 
Ang sabi ng ilang urot sa BI-CSU, baka naman takot lang sa CoVid-19 ang kanilang bossing kaya umiiwas sa maraming tao sa kanyang opisina?
 
Paano naman kaya niya pinipirmahan ang mga importanteng dokumento sa kanyang opisina?
 
Ipina-Lalamove ba? Grab deliver, o Toktok kaya?
 
Gaano katotoo ang tsismis na nakikita raw si Commissioner Bong Morente sa ilang golf courses?
 
Uulitin ko lang po Mr. Commissioner, nagtatanong lang po ako sa isyung ito at sana’y masagot po ninyo ako o ang mga tauhan ninyo.
 
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *