Mag-utol na Estrada magsasalpukan na naman sa senado
BULABUGIN
ni Jerry Yap
MUKHANG ‘magka-frequency’ talaga ang mag-utol na Jinggoy Estrada at JV Ejercito.
Pareho kasi nilang naramdaman, at kapwa nagpahiwatig din na muli silang tatakbo sa Senado.
Si Jinggoy bilang miyembro ng Pwersa ng Masang Pilipino (PMP), at si JV Ejercito bilang miyembro ng Nationalist People’s Coalition (NPC).
Sabi nga ni Jinggoy, “there is ‘strong possibility’ that I will run for senator again in the 2022 elections.”
Mayroon pa raw siyang ‘unfinished business’ sa Senado, sabi niya sa interview sa kanya sa ANC.
Pero magdedesisyon umano siya base sa resulta ng 2022 election surveys.
“So siguro ‘yun ang nag-i-encourage sa akin. Siguro may tiwala pa rin sa akin ang tayong bayan and I still have a lot of unfinished business to do in the Senate.”
Ganyan katibay ang kompiyansa ni Jinggoy.
Kung si Pangulong Rodrigo Duterte ay kinakabahan sa pagtakbo bilang bise presidente, si Jinggoy, hindi.
Lalo na’t sinabi sa Pulse Asia survey nitong Abril, kabilang si Jinggoy Estrada sa mga pangalan na puwede nilang iboto sa Senado sa May 2022.
Ang isa pa sa nagbigay ng lakas ng loob kay Jinggoy na tumakbo sa May 2022, ang pagkaabsuwelto ng bestfriend forever (BFF) niyang si Ramon “Bong” Revilla, Jr., sa kasong plunder.
Pareho lang daw sila ng kaso ni Bong, ‘yung nandambong ng ‘pork barrel’ kaya feeling niya, maabsuwelto rin ang asunto laban sa kanya.
Si Jinggoy ay nahaharap sa kasong plunder at 11 kaso ng graft dahil sa pagbubulsa ng P183.8-milyong kickbacks sa pamamagitan ng paglalaan ng PDAF sa mga pekeng non-government organizations na sinabing pag-aari ni Janet Lim Napoles, ang itinuturong utak ng pandarambong.
Hindi kinakabahan diyan si Jinggoy, mas kinakabahan siya kapag tumakbo ulit si JV sa Senado. Ang suhestiyon ni Jinggoy, sa San Juan na lang tumakbo si JV.
Kung sa Senado sila parehong tatakbo, aba ‘e baka maulit na naman ang naging kapalaran nila noong nakaraang eleksiyon — OLAT pareho!
“Minsan nalilito ang mga botante kung sino sa aming dalawa. So siguro, it is high time to get to talk to each other and you know my dad is not getting younger anymore so gusto makita ng tatay ko na nagkakasundo kaming magkapatid,” ‘yan mismo ang pahayag ni Jinggoy sa interview sa TV.
Umaasa rin nga pala si Jinggoy na magdedesisyon na ang SC sa kaso niya bago ang paghahain ng certificate of candidacy sa Oktubre.
“I am hoping that the SC will decide on my case before the elections or before filing. That is my prayer,” ani Jinggoy.
Noong 2019 midterm elections, sina Estrada at ang reelectionist na si Ejercito ay nagsalpukan sa Senado pero pareho silang talo. Si Jinggoy nasa 15th spot with over 11 million votes habang si Ejercito ay nasa 13th spot with over 14 million votes.
Sinisi ni Ejercito si Jinggoy sa kanyang pagkatalo.
Sa darating na eleksiyon, tingnan natin kung sino ang mag-uuwi ng panalo sa dalawa.
Abangan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com