Sunday , December 22 2024

Pacman vs Du30: Scripted o tunay?

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
PARA sa marami sa ating nagbabayad ng buwis at nagmamalasakit sa bayan, ang ibinunyag ni Sen. Manny Pacquiao nitong Sabado ay tungkol sa korupsiyon at kung paano ito matutuldukan.
 
Nakaaalarma ang pagharap niya sa mga mamamahayag habang nasa mesa sa harap niya ang sangkaterbang dokumento na sumusuporta sa akusasyon niyang P10.4 bilyon ang ‘nawawalang pondo’ na para sa mga Filipino na inilugmok ng pandemya.
 
Higit sa ano pa man, ang ginawa niya ay isang knockout punch sa kanyang “mahal na Pangulo” at chairman ng kanilang partido, si Rodrigo Duterte – na una siyang pinaulanan ng mura at pang-iinsulto sa “presidential way” nito ng pagtanggi na mayroon ngang kuropsiyon sa gobyerno.
 
Pero naroon at magkakapatong sa mesa ni Pacquiao – ang umano’y mga pruweba ng kuropsiyon sa Department of Social Welfare and Development – ang hihimayin ng Senate Blue Ribbon Committee. At nagsisimula pa lang ang fighting senator.
 
Damay din sa kanyang laban kontra koripsiyon, aniya, ang Department of Health (DOH) at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR).
 
Walang dudang kapuri-puri at dapat suportahan ang pagsisikap ni Pacquiao na malinis ang administrasyong Duterte mula sa mga magnanakaw ng multi-bilyong piso. Pero kung hanggang saan at kung may magagawa ito para masawata ang walang katapusang kurupsiyon sa gobyerno ay isang palaisipang hindi ko magawang pagtiwalaan.
 
Ilalahad ko ang pagdududa sa aking puso sa isang tanong: “Ang pagbubunyag bang ito ay isang krusada laban sa kuropsiyon o may kaugnayan sa 2022?”
 
Kung ang sagot ay iyong huli, mukhang pinasasakay na naman tayong lahat, kung saan ang mga nangunguna sa kunwaring krusada ay humahakot ng puntos para sa eleksiyon sa susunod na taon na kanilang mababawi sa parehong sistema ng kuropsiyon kapag nasa puwesto na sila.
 
Ano man ang sagot, isa pa rin itong lehitimong usapin na dapat resolbahin ng Pangulo. Sa aking pagsususpetsa at sa pagiging magkapartido at magkaalyado nila, hindi na ako magugulat kung ang lahat pala ito ay isang engrandeng zarzuela na magtatagumpay si Duterte laban sa katiwalian.
 
Kung tutuparin ng Pangulo ang ipinangako sa kanyang Talk to the People, sisibakin niya ang bawat opisyal na inaakusahan ni Pacquiao. At sa huli, lalabas na pareho silang kilabot ng mga corrupt! Isa iyong kuwentong bentang-benta sa kampanyahan.
 
Siyempre pa, pamilyar na tayo sa ginagawa ni Duterte sa mga corrupt na opisyal na pinatatalsik niya sa gobyerno. Makalipas ang ilang buwan ay muli niya silang itatalaga sa ibang posisyon sa ahensiyang hiwalay sa pinagsibakan sa kanila.
 
May naalala ba kayo sa mga apelyidong La Viña, Faeldon, o Maronilla? Ganoon ang tunog ng truck na nagre-recycle ng mga basura sa administrasyong ito.
 
* * *
 
 
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

About Robert B. Roque, Jr.

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *