BULABUGIN
ni Jerry Yap
MAY bago na namang pinagsasalukan ng libo-libong kuwarta ang mga buwaya sa gobyerno.
Base sa mga reklamong ipinadadala sa inyong lingkod, swab testing o RT-PCR ang pinagkakakitaan nang malaki sa pamamaraang tila nanghoholdap ang ilang personahe diyan sa Ninoy Aquino International Aiport (NAIA).
Napansin natin na ang presyo ng RT-PCR ay magkakaiba base sa kung ilang oras kailangan ang resulta.
Sa regular na swab testing, dalawa hanggang tatlong araw ang paghihintay ng resulta. Pero may ino-offer ang mga laboratory clinic o testing centers ngayon.
Bibigyan ka nila ng options kung ilang oras bago lumabas ang resulta. Puwedeng 24 oras sa halagang P2,999; 12 sa halagang P3,999; 6 sa halagang P7,000; at ang pinakabago tatlong oras sa halagang P8,000.
O saan ka pa?! Ang daming options ‘di ba?
Ang tanong, sino ang mas nangangailangan ng ganitong options. Siyempre karamihan sa kanila mga overseas Filipino workers (OFWs).
Kaya naman huwag kayong magtaka kung bakit naglipana ang mga ahente ng iba’t ibang laboratory clinics sa airport gaya ng taxi drivers, airport employees, and airline employees kaya lalong lumalaki ang singil.
Kawawa ang mga biyahero sa ganitong modus operandi.
Nakapagtataka rin kung bakit hindi inililinaw ng mga airlines na kapag nag-layover sa isang bansa o airport bago ang final destination, ay kailangan tumugon sa itinatakdang bisa ng RT-PCR.
Ang siste, marami tuloy ang nare-rebook at sumasailalim sa panibagong RT-PCR. Kunwari ay ‘concern’ pa ang mga ‘ahente’ at ituturo sa laboratory clinic na mas mura umano ang singil.
By the way, anong mayroon sa Philippine Airport Diagnostic Laboratory, na pag-aari ni testing czar Vince Dizon, kung bakit number one recommended ‘yan sa airport?
Ayon sa impormasyong nakalap natin, ‘tumabo nang malaki’ ang nasabing diagnostic laboratory clinic
noong huminto ang Red Cross noong nakaraang taon
dahil delayed ang bayad ng PhilHealth.
May MOA rin umano ang PCOO sa lab na ‘yan kahit ang mahal ng singil sa swab test at puwede naman silang magpagawa sa ibang mura like NKTI and Philippine Red Cross.
Mukhang nagiging poster boy ng iregularidad si czar Vince Dizon. Hindi ba’t may hinaharap ka pang
P11-B plunder case sa Clark sports hub?
Hay naku, may pandemya na, nakapanghoholdap pa…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com