Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata
MUKHANG nabukulan nang husto si Education Secretary Leonor Briones ng kanyang mga alipores sa P1.1-billion contract na iginawad sa isang ‘pipitsuging’ kompanya.
Gamit ang palsipikadong Audited Financial Statement at Net Financial Contracting Capacity, nakuha ng JC Palabay Enterprise Inc., ang kontratang nagkakahalaga ng P1.1 billion para sa paggawa ng learning modules na gagamitin ng mga estudyante para sa school year 2021-2022.
Sa isang panayam, tahasang inamin ng impormante na iginawad sa JC Palabay Enterprises ang nasabing kontrata sa kabila ng mga depektibong dokumentong isinumite sa Department of Education dahil sa pakikialam ng isang kongresistang nag-aambisyong maging Senador.
Batay sa dokumentong isinumite sa Department of Education, ang JC Palabay Enterprises ay mayroon lamang Net Financial Contracting Capacity (NFCC) na hindi man lang umabot sa P100 milyon – pero nakuha ang P1.1 bilyong halaga ng kontrata para sa 3rd at 4th quarter ng papasok sa school year.
Pagtatapat ng isang kawani ng kagawaran, nakuha aniyang palabasing kalipikado ang JC Palabay Enterprises gamit ang pinalobong NFCC at Audited Financial Statement na nagsasabing mayroon na itong P1.99 billion.
Aniya, isang kongresista ang gumapang para makuha ng JC Palabay Enterprises ang nasabing kontrata sa kondisyong ipapasok ang kanyang pangalan sa mga kandidatong ieendoso ng ‘kapatiran’ para sa 2022 general elections na nakatakdang maghalal ang hindi bababa sa 60 milyong botante ng presidente, bise-presidente, 12 miyembro ng senado, mga kinatawan ng distrito at mga lokal na opisyal.
Dagdag ng impormanteng kasalukuyang kawani ng DepEd, bahagi ng kanyang trabaho ay magrebisa ng mga dokumentong isinusumite ng mga nagnanais lumahok sa bidding para sa mga kontrata sa nasabing ahensiya. Matagal nang panahong sumasali sa bidding ang JC Palabay Enterprises ngunit hindi nananalo dahil hindi kalipikado batay sa kapasidad ng nasabing kompanya.
“Ang totoo niyan, maimpluwensiya ‘yung kapitalista sa likod ng JC Palabay Enterprises. Marami nang naibulong sa ‘kapatiran’ at wala pa akong nabalitaang natalo. Ganoon siya kalakas,” pagtatapat ating impormante.
Kasabay nito, isang abogadong procurement expert ang tahasang nagsabing may malaking anomalya umano sa nasabing bidding process lalo pa’t ang ganoon kalaking kontrata ay iginawad sa isang kompanyang deklarado hanggang P100 million lamang ang kapasidad.
Sa kanyang pagsusuri, lumalabas na taong 2019 at 2020, nakapagsumite ang JC Palabay Enterprises ng mga dokumentong nagsasabing hanggang P100 million lamang ang kanilang kapasidad.
“Napaka-imposible namang kumita siya ng dalawampung doble sa loob ng panahong halos lahat ng negosyo ay nalugi. May salamangkang naganap. Iyan ang dapat kalkalin ni Education Secretary Leonor Briones,” saad ng nasabing government procurement expert na nagpahayag ng kahandaang lumutang sa sandaling ipatawag ng senado, kamara, o ng korte.