WALONG kabataang lalaki na sangkot sa laganap na riot na nag-viral sa social media ang naaaresto matapos maaktohan ng mga pulis na naghahagis ng bato at molotov bomb sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Malabon acting police chief P/Lt. Col. Aldrin Thompson, ipinag-utos niya kay Sub-Station-5 commander P/Lt. Zoilo Arquillo at TMRU team sa ilalim ng pamumuno ni P/Lt. Fatima Escueta na magsagawa ng intensified patrolling sa kahabaan ng Hasa-Hasa St. sa Brgy. Longos kung saan laganap ang riot ng mga kabataan na nangyayari sa madaling araw.
Dakong 3:00 am, habang nagpapatrolya ang mga pulis sa pangunguna ni P/SSgt. Oliver Santiago, kasama ang mga tanod ng Brgy. Longos sa kanto ng Hasa-Hasa at Langaray streets, isang riot ang sumiklab sa pagitan ng mga kabataan na kabilang sa magkalabang gang.
Naghagisan ng mga bato at Molotov bombs ang grupo ng mga kabataan, dahilan upang awatin ng mga pulis at mga tanod.
Ngunit nang mapansin ang mga pulis, mabilis nagpulasan ang mga sangkot na kabataan sa magkakahiwalay na direksiyon.
Para hindi maaresto, walo sa mga ‘suspek’ na edad 13 hanggang 17 ang sapilitang pumasok sa bahay ni Wilson John Gilhang, 28 anyos, residente sa Block 14 Lot 40 Phase 2 Area 3 Brgy. Longos, kung saan sila nakorner ng humahabol na mga pulis at tanod.
Ayon kay P/SSgt. Jeric Tindugan, nakuha ng mga arresting police officers mula sa mga nadakip na kabataan ang isang improvised molotov bomb at patalim.
Ang mga naarestong kabataan ay dinala sa Bahay Sandigan na pinangangasiwaan ng City Social Welfare Department. (ROMMEL SALES)