KALABOSO ang isang tsuper ng bus matapos tutukan ng dalang pellet gun ang isang traffic enforcer na sumita sa kanya dahil sa pagmamaneho ng tricycle na walang prankisa sa Malabon city, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Malabon city police chief P/Col. Albert Barot ang suspek na si Roger Trabajales, ng Tolentino St., Tagaytay City, Cavite na nahaharap sa kasong Grave Threat in relation to RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
Batay sa pinagsamang ulat nina P/SSgt. Jose Romeo Germinal II at P/SSgt. Jeric Tindugan, nagmamando ng trapiko sa kahabaan ng M.H. Del Pilar St., Brgy. Tenajeros si Ramir Maclang, 40 anyos, isang traffic enforcer ng Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO) ng Malabon nang mamataan niya ang minamanehong tricycle ni Trabajales na walang nakalagay na sticker, pagpapatibay na walang prankisa mula sa lokal na pamahalaan.
Sinita ni Maclang si Trabajales, ngunit nang buksan ang dalang sling bag, kinuha ang dalang baril sabay tutok sa traffic enforcer na nahintakutan sa pag-aakalang tunay na baril ang pellet gun ng suspek.
Dito sinamantala ni Trabajales ang pagkakataon at mabilis na pinaharurot patakas ang minamanehong tricycle habang palihim siyang sinundan ni Maclang sakay ng kanyang motorsiklo.
Pagsapit sa kanto ng Gov. Pascual Avenue at Valdez St., Brgy. Catmon, nakahingi ng tulong si Maclang sa nagpapatrolyang tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Nakuha kay Taabajales ang isang pellet gun na may magazine.
Sasampahan ng kaukulang kaso ang suspek sa piskalya ng Malabon. (ROMMEL SALES)