ANIM na hinihinalang tulak ng droga ang naaresto makaraang makuhaan ng mahigit sa P.7 milyong halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operation ng mga awtoridad sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Sa imbestigasyon ni P/Cpl. Pamela Joy Catalla, dakong 3:00 am nang magsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Joel Madregalejo sa ilalim ng pangangasiwa Col. Ramchrisen Haveria, Jr., sa Libis Bukid, Brgy. Malinta na nagresulta sa pagkakaaresto kay Jeany Rose Radaza, alyas Apple, 37 anyos.
Kasamang inaresto sina Michael Anthony Balcruz, alyas Praning, 49 anyos, Erlinda Gutierrez, 53 anyos, Babylyn Novilla, 42 anyos, at Elwood Edoyaga, 40 anyos, na naaktohan ng mga operatiba na sumisinghot ng shabu sa loob ng bahay.
Nakompiska ng mga operatiba ang nasa 55 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P374,000 ang halaga, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at 10 pirasong P500 boodle money, P700 cash, 4 cellphones at ilang drug paraphernalia.
Bandang 10:28 pm nang unang matimbog ng isang team ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Medregalejo sa buy bust operation sa Lords Candle St., De Castro Subd., Brgy. Paso De Blas si Remy Jaen, 41 anyos, matapos bentahan ng P8,000 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Ayon kay SDEU investigator P/SSgt. Ana Liza Antonio, nakuha sa suspek ang tinatayang 55 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P374,000, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P1,000 bill at 7 pirasong P1,000 boodle money, P2,200 cash, cellphone at pouch.
Kapwa nahaharap ang anim na suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act. (ROMMEL SALES)