ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ANG child actor na si JM Estrella ay gumaganap bilang batang Dr. Jose Rizal sa pelikulang El Genio dela Raza (The Genius of The Race).
Si JM ay 10 years old at Grade-4 student sa Ligas 1 Elementary School sa Bacoor Cavite.
Ito ang second movie niya, unang napanood si JM sa OFW, The Movie na tinampukan ni Sylvia Sanchez.
Nabanggit ni JM na proud siya sa kanilang pelikula.
“Opo proud akong mabigyan ng chance na gumanap bilang batang Rizal, sapagkat si Pepe or Rizal ay isang tanyag na tao sa buong mundo.”
Paano niya ide-describe ang pelikula nilang El Genio dela Raza?
Saad ni JM, “Maganda po ang movie, isa itong advocacy film na nababagay sa panahon ngayong pandemic. May aral na hatid para sa mga batang millennial na dapat hindi nawawala ang magandang asal na sinimulan ng ating pambansang bayaning Jose Rizal at mga ninuno nating mga Filipino.”
Aniya, “Ang pelikula pong El Genio De La Raza ay hinggil sa pagkabata ng ating bayani na si Gat Rizal o Pepe. Isa po itong makabuluhang pelikula na dapat panoorin.”
Ang El Genio De La Raza ay handog ng CLIO Multimedia Production na pinangungunahan nila Dave Chicano Cecilio-KDPP, at Emmanuel Calairo-KGOR.
Noong June 19 ay ini-release ang official premiere ng El Genio bilang paggunita sa ika-160 kaarawan ng ating pambansang bayaning si Rizal.
Kabilang sa dumalo sa nasabing okasyon sina Sec. Silvestre Bello III, Atty. Lynn Danao-Moreno, Gov. Ramil L. Hernandez, Justin Marc SB. Chipeco, The Philippine Historical Association head – President Ma. Luisa T. Camagay, Jose David Lapuz – KGCR, at si Pres. Rodrigo Roa Duterte.
Ang pelikula ay sa direksiyon ni Dave Chicano Cecilio, at tampok din dito sina Tanya Gomez sa papel na Donya Teodora at Casey Velasco, bilang Olimpia Mercado Rizal.
Mapapanood ito worldwide sa halagang P350.00 sa www.ticket2me.net hanggang June 26.