IBINIDA ni Kyle Echarri ang pagiging musikero niya sa pangalawang full-length album na New Views na napakikinggan sa iba’t ibang digital music platforms.
“’New Views’ dahil mag-e-18 na ako at tingin ko time na para makita ng mga tao ‘yung new views ko sa buhay, bilang isang tao, at new views ko sa love life,” sambit ng binata sa virtual media conference kamakailan.
Ang New Viers ay ibang-iba sa debut album niya noong 2016 mula sa Star Pop label ng ABS-CBN dahil lahat ng pitong original tracks dito ay isinulat at komposisyon mismo ni Kyle. Siya rin ang producer ng halos lahat ng kanta rito. Ang label head na si Rox Santos naman ang nagsilbing supervising producer ng album.
Ani Kyle, mismong puso niya ang ibinigay sa album. ”Kasi I was able to write the whole thing and produce the whole thing. Sinadya ko talaga kasi I really wanted the fans to feel my heart.”
Ang key track nitong Liligawan Na Kita ay isinulat ni Kyle kasama ang co-stars niya sa Huwag Kang Mangamba na sina Seth Fedelin at Andrea Brillantes. Siya rin ang nagprodyus ng kanta na inawit niya kasama si Seth na tungkol sa paghihintay at panliligaw sa isang espesyal na babae.
Kasama rin sa album ang 2020 single niyang I’m Serious pati na rin ang Dyosa na ipinrodyus ni JayR. Ang iba pang mga kanta na Mahal Nga Kita kasama ang rapper na si Arvey, Panaginip na naririnig ngayon sa original soundtrack (OST) ng anthology series na Click, Like, Share, As Long As You’re Mine, at Fuego, na isinulat niya kasama ang malapit na kaibigang si Darren Espanto—ay ipinrodyus lahat ni Kyle.
Nagkaroon ng digital birthday fan con si Kyle bilang pagdiriwang ng 18th birthday niya at pasasalamat sa mga sumusuporta sa kanya sa anim na taon niya sa showbiz.
Pakinggan ang pinakabagong album ni Kyle na New Views sa Spotify, Apple Music, Deezer, at iba pang digital music platforms. (MV)