BULABUGIN
ni Jerry Yap
MAY pandemya o wala, wala tayong maalala na mayroong transport officials na nagpakita ng malasakit sa bayan — sa commuters at sa motorista — lalo sa Metro Manila.
Gusto nating itanong, may kamalayan ba talaga sila sa tungkulin at reponsibilidad nila bilang mga opisyal ng transportasyon?
O talagang posisyon at provecho lang ang hangad nila pero wala naman talagang pagnanais na maglingkod sa bayan at sa sambayanan?
Masyado na po kasi talagang nakapipikon at matatawag na nating pagmamalabis sa kanilang tungkulin ang ginagawa ng transport officials.
Ang kahulugan ng transportasyon ay paglilipat ng mga tao o mga bagay mula sa isang lugar patungo sa takdang destinasyon — sa maayos at ligtas na paraan. Maaari itong may bayad o walang bayad.
Siyempre, ngayong panahon ng pandemya, nagkaroon ito ng karagdagang kahulugan dahil na rin sa pagbabago ng sistema, alinsunod sa iniaatas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID).
At diyan pumasok ang EDSA Carousel – The New Normal EDSA Commute. Sa ilalim ng bagong sistema sa konseptong ‘new normal’ isinailalim ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtatalaga ng ruta at ng mga bibiyaheng bus sa EDSA hanggang sa PTIX.
Base ito sa Memorandum Circular No. 2020-019 ng LTFRB noong Mayo 2020. Mag-iisyu ang ahensiya ng special franchise sa panahon ng general community quarantine (GCQ).
Kaya mula sa 96 ruta ng bus bago ang pandemya,
ibinaba na lang ito sa 35 ruta sa Epifanio de los Santos Avenue o ang tinatawag na EDSA Busway or EDSA Carousel.
Noong isang taon pa po nagsimula ‘yan. Kumustahin naman po natin kung ano na ang lagay ngayon ng EDSA Carousel.
Heto ngayon ang mga reklamong naririnig natin sa EDSA Carousel na ‘yan. Una, maraming operator ang nagrereklamo na hindi sila nababayaran sa ilalim ng EDSA Carousel program.
Sa ilalim kasi ng EDSA Carousel, isang operator lang ang pinili ng LTFRB. Pero dahil hindi kayang punuin ng isang operator ang mga kinakailangang bus sa programa. Ang solusyon nagkaroon ng consortium o pagsasama-sama ang bus operators upang makatugon sa rekesitos.
Habang umaarangkada ang EDSA Carousel, marami tayong nababasa na pinupuri ang programa, kasi nakatutulong daw sa commuters at the same time maluwag ang traffic sa EDSA.
Pero paglipas ng isang taon, imbes madagdagan ang mga bumibiyaheng bus, e lalong nabawasan. Ang rason, hindi nababayaran ang mga operator.
Umiiyak na ang mga operator kasi imbes kumita sila, nasaid pa lalo ang kanilang savings. Hindi na kumita, nag-abono pa para sa suweldo ng mga bus driver.
E noong ipatupad ang programa ‘yan, nawalan ng trabaho ang maraming konduktor. Ngayon naman, hindi lang mawawalan ng trabaho ang mga driver, baon pa sa utang ang mga operator.
At dahil maraming bus ang tumigil diyan sa EDSA Carousel, mas lalo tuloy humaba ang pila ng mga pasahero.
E saan na ba napunta ‘yung bilyon-bilyong pondo na nakalaan para sa EDSA Carousel ngayong panahon ng pandemya? Talaga bang kapag LTFRB, walang alam gawin kundi magpahirap sa commuters at mga motorista?
Paging LTFRB, DOTr officials and Secretary Art Tugade, subukan kaya ninyong pumila sa sakayan ngayong panahon ng pandemya. Ano kaya ang mararamdaman ninyo?!
Magaling lang sa dada, kapos na kapos sa gawa. Bida sa simula, sa huli, commuters ang kawawa!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com