BULABUGIN
ni Jerry Yap
MASAMA ang naging lagay ng limang Pampanga water districts nang sila ay pumasok sa joint venture agreement sa Primewater Infrastructure Corp.
Ito mismo ang pahayag ng Commission on Audit (COA ) sa kanilang pagsusuring ginawa sa limang Pampanga water districts ng Mabalacat City Water District (MCWD), City of San Fernando Water District (CSFWD), Floridablanca Water District (FWD), Guagua Water District (GWD), at ang Lubao Water District (LWD).
Grabe raw ang idinausdos ng kita ng limang water districts mula nang makipag-ugnayan sa Crime ‘este’ Primewater.
At upang huwag tuluyang bumagsak, pinayohan ng State auditors ang limang water facilities na i-renegotiate ang kanilang joint venture deals dahil imbes makatulong sa local government units (LGUs) na maging independiyente at supisyente sa supply ng tubig, e nawindang ang kanilang kalagayan.
Base sa kanilang kasunduan, ang Primewater ang hahawak sa operational control sa nasabing water utilities, ganoon din ang water supply, at ang management systems ng kanilang septage.
Sa ulat na ipinadala sa MCWD noong April 29, sinabi ng COA, ang nasabing mga utility: “was generating more profit from its operations before it entered the JVA.”
Kaya nakapagtataka kung bakit mula nang hawakan ng Primewater ay biglang bumulusok ang kanilang kita.
Bukod sa pagbulusok ng income, inirereklamo rin ng kanilang mga kliyente na hindi maayos ang kalidad ng tubig mula nang pasukin ng Primewater.
Sakit ito ng Primewater na hindi natin maintindihan kung bakit tuwing pumapasok sila sa isang bayan o lungsod, bumabaho, maitim, at hindi nagiging regular ang tulo ng tubig sa gripo.
At ang higit na nakapagtataka, bakit nila nakukuhang makombinsi ang mga water district gayong marami na ang masamang feedbacks tungkol sa kanilang serbisyo?
Isa pa, kung hindi kayang ayusin ng Primewater ang kanilang serbisyo, bakit pinakikialaman nila ang mga water districts sa buong bansa?
Mantakin ninyo, sa ulat ng COA, ang MCWD’s net income ng MCWD bago makialam ang Primewater ay P61.296 milyones noong 2018 pero bumagsak ito nang halos 50% (P35.343 million) noong 2019.
At nitong 2020, lalo pa itong bumagsak nang abutin na lamang sa net income na P4.758 million.
Ibig sabihin dumapa na nang husto!
At sabi ng MCWD dahil daw ‘yan sa depreciation expenses at sa pagtaas ng sahod ng mga empleyado.
Wattafak!
Anong mayroon ang pamilya Villar, na nagmamay-ari ng Primewater, kung bakit nakukuha nila ang mga water district sa kanilang Primewater at kahit bulok ang serbisyo ay hindi na makapalag ang LGUs?!
May goodwill bang pinag-uusapan dito? May papel ba ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kung bakit mabilis na napapasakamay ng mga Villar ang mga water district?!
Tsk tsk tsk….
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com