HARD TALK!
ni Pilar Mateo
NANG pumutok ang pandemya, ang talagang takot na takot na lumabas ng bahay, maski ng kanyang silid ay ang mahusay at premyadong aktres na si Gina Pareño.
Naikukuwento nga niya sa akin ang mga nagdaratingan sanang offers na hindi niya basta masagutan dahil ayaw din naman ng anak niyang si Raquel na malayo siya at magtrabaho na.
Sa panahon ng pandemya naisilang ang pagiging TikToker ni Mama Gina. Sa tulong ng pamangkin, nagamit ang pagiging artista niya sa mga acting sa iba’t ibang oras sa TikTok.
Si Raquel naman eh, nagnegosyo ng pagde-deliver ng kanyang mga niluluto.
Nakaisang taon na ang pandemya. Unti-unti, natutuwa na si Mama Gina sa mga paraan ngayon ng paggawa ng pelikula at serye sa telebisyon.
Lalo pang naging masigasig si Mama Gina nang kilalanin siya ng SPEEd (Society of Philippine Entertainment Editors) at kabilang sa mga pinarangalan sa 10 Philippine Icon ng 2021 sa The EDDYS.
“Mahal, noon pa man, wala po akong pinangarap kundi ang umarte sa ilaw, sa entablado, sa telebisyon, at sa pelikula. Natupad po ang pangarap na ‘yun dahil sa inyong pagtitiwala, pagmamahal, at pagsubaybay. Ito po ay para sa aking mga tagahanga simula pa noong una hanggang ngayon.”
Dahil sa magandang pag-aalaga sa kanya at mga kasamahan niya sa Sampaguita Pictures, kay Dr. Jose R. Vera Perez, kahit maraming pasaway moments noon ang true-to-life na galawgaw, pagdating sa kanyang mga tagahanga, naging prioridad na ni Mama Gina ang mga ito.
“Kasi mahal, noon kami talaga ang pumipirma sa mga picture namin na ipinamimigay sa fans. Bumibili pa sila ng mga picture namin sa mga bangketa, sa mga sinehan kung saan ipinalalabas ang mga pelikula namin. Ngayon, iba na. Nakakausap mo na sila. Sa social media. Sa TikTok ko. Kaya lahat ‘yun, mahal tinitiyaga ko na sagutin. Medyo mapapahinga lang kung may taping o shoot na ako.”
Nakampante na si Mama Gina sa mga bubble shoot sa mga ginagawa niya ngayon. Natapos na siya sa Kaka ng Viva. At may tinatapos naman siyang halos magkasunod, ang Minsa’y Isang Alitaptap at ang AbeNida.
“Noong una kasi, mahal natakot ako sa mga swab-swab. Kaya nga may mga offer na hindi muna ako sinagutan last year. Ayaw din muna ni Raquel. May pagsasamahan pa nga sana kaming isang project. At sa Baguio ang shoot. Awa naman ng Diyos, tila umaayos na ang lahat. At nakapagpa-bakuna na ako, mahal!”
Kailangan ng industriya ang isang Gina Pareño. Mapa-drama o komedi, kahit aksiyon pa ‘ata (nag-Darna na siya in her prime), kakayanin ng premyadong aktres.
Kaya nga ICON!