HARD TALK!
ni Pilar Mateo
DAHIL na rin sa pandemya, saglit na nagpahinga sa shoot niya ng sinimulang TV series ang komedyanteng si Dinky Doo.
Kaya pahinga muna ang nakadalawang episode ng Pamilya Labu-Labo niya.
Ang pahinga mula sa harap ng kamera ay napalitan naman ng pagiging abala sa pag-akay sa mga may kagustuhan din namang maging bahagi ng kanilang MGCI (Members Church of God International), ni Ka Daniel Razon.
Dito siya naging espiritwal na gabay nina FAP Chairman Vivian Velez, singer Miguel Vera, at komedyanteng si Dennis Padilla.
At isa sa mga araw na ito, makikita na natin siyang umaarangkada sa kanyang iho-host na Bidang Bida show.
Iikot ang kanyang coaster para pumili ng mga mahahatiran ng tulong sa ating mga kababayan. Tulad sa mga naghahatid ng serbisyo at tulong sa mga kababayan natin sa buong bansa, ‘yan ang magiging papel ni Dinky sa kauna-unahang palabas niya sa UNTV.
Sa kanyang mga adbokasiya gaya ng DAD (Durugin Ang Droga) at pagiging Ambassador of Goodwill, sa mga tanong kung naghahanda na ba siyang maging isang politiko, ang tanging sagot ni Dinky ay, ”Ang Diyos ang magdadala sa akin kung saan ako dapat na italaga. Kung nakatutulong na ako sa mga gawain ko ngayon, sapat na ‘yun!”
Maging taga-akay, maging taga-tulong, para ang taumbayan ang maging bidang bida. Soon!