SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
“ALAM po ninyo isa ako sa mga taong hindi talaga naaapektuhan sa mga basher at sinasabi ng haters.” Ito ang tinuran ni Darren Espanto nang hingan ng komento ukol sa mga negative comment mula sa netizens sa ibinahagi niyang sexy birthday pictures niya sa social media.
Sa virtual conference ni Darren para sa kanyang Darren Home Run: The Comeback Concert na mapapanood na worldwide sa June 19 (Sabado) at may rerun sa June 20 (Linggo) sa KTX.ph, iWantTFC, at TFC IPTV, sinabi nitong hindi siya talaga naaapektuhan ng mga negative comment.
“Alam niyo po isa ako sa mga taong hindi talaga naaapektuhan sa mga basher at sinasabi ng haters. Seriously, medyo nawiwirduhan sa akin ‘yung pamilya ko or people close to me.
“Sabi nila, ‘grabe ‘yung personality mo no? Kaya mong magbasa ng comments mo sa Instagram, Twitter, Facebook’,” pagbabahagi pa ni Darren.
“There’s constructive criticisms and there’s just criticism. You have to find out how you’re going to be able to react to those comments. Ako kaya ko siyang basahin na walang reaction kasi kung alam mo namang hindi totoo, bakit ka magpapadala roon?” giit pa ng singer.
Samantala noong May 30 at 31 sana gagawin ni Darren ang kanyang virtual concert pero na-postpone ito dahil na-expose siya sa isang COVID-19 patient.
Pero ngayon, all systems go na para sa first major solo virtual concert na bonggang pasabog ng ABS-CBN Events at MCA Music.
Ipamamalas na ni Darren ang kanyang transformation bilang singer-performer sa mas palabang song numbers na bibida sa comeback concert niya.
“It’s called ‘Darren Home Run’ because in the past seven years parang naikot ko na po lahat ng bases in the music/concert scene in the Philippines. So it’s kind of like I hit a home run in this show. I just came back from Canada so I’m very excited,” sambit ni Darren.
Pamamahalaan ni Paolo Valenciano ang Home Run concert ni Darren samantalang si Jon Moll sa TV direction, si Soc Mina sa musical direction, at ang D Grind sa choreography.
“Ito na ‘yung pinakamalaking virtual concert na gagawin ko. Karamihan sa mga kanta na napili ko para sa setlist ng concert ay malapit sa puso ko at saka may relation sa showbiz journey ko,” ani Darren.
Pagkatapos ipagdiwang ang kanyang 20th birthday noong May 24, handa na ngang ipakita ni Darren ang natatanging talento sa pagkanta at pagsayaw sa sorpresang performances kabilang na ang inaabangang pag-awit niya ng latest single niyang Tama Na.
Ang Tama Na ay ukol sa unrequited love at pagkakaroon ng tapang na iwan ang isang one-sided na relasyon. Ani Darren, nagustuhan niya agad ito unang rinig niya pa lang. ”It’s a sound that people haven’t heard from me before and it’s also a genre I’ve always wanted to try.”
Pwede pa ring bumili ng tickets para sa Darren Home Run: The Comeback Concert sa KTX.ph, iWantTFC, at TFC IPTV. Mabibili ang VIP tickets sa halagang P1,500 na magagamit sa June 19 live show sa KTX.ph at may exclusive access sa Zoom party kasama si Darren. P699 naman ang regular tickets.