FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
Galaw galaw, IATF
GAYA ng pinangambahan ng kolum na ito noong nakaraang linggo, dumami ang naitatalang bagong kaso ng CoVid-19 sa bansa nitong nakalipas na linggo. At ang hawaan sa mga probinsiya, bagamat limitado sa mga munisipalidad, ay nakapag-ambag sa paglobo ng mga kaso.
Pinupuri natin ang mga lokal na pamahalaan ng Iloilo City, Baguio City, Cebu province, General Santos City, at Davao City sa agarang paghihigpit sa quarantine laban sa pagdami ng mga kaso, pagpapasyang mas maagap kaysa gobyerno.
Si Mayor Sara Duterte-Carpio, halimbawa, iginit ang pagbabalik ng MECQ sa Davao City nitong 31 Mayo nang dagsain ang CoVid-19 facilities sa lungsod. Kahit malapit siya sa Malacañang, inabot pa ng limang araw bago ito naaprobahan ng IATF.
Ang isa pang iron lady na si Cebu Gov. Gwen Garcia, inunahan ang IATF at nagpatupad ng upon-arrival testing sa paliparan bilang karagdagang proteksiyon ng lungsod kontra sa bagong CoVid-19 variants.
Ang dalawang halimbawang ito ay sumasalamin sa kawalan ng kompiyansa sa IATF na agarang maaaksiyonan ang pagdami ng CoVid-19 cases sa mga rehiyon – sa wastong pagtugon sa tamang lugar, sa tamang pagkakataon.
Mabuti ang maingat na pagpoproseso ng IATF sa mga datos bago pagpasyahan ang susunod na quarantine status sa NCR Plus – ang sentro ng pandemya. Pero huwag magpanggap ang IATF na mabilis nitong inaaksiyonan ang mga alerto ng pandemya sa mga munisipalidad, lungsod, at lalawigan – na binabantayan ng mga eksperto bilang susunod na sentro ng CoVid-19 kung mabibigo ang mga awtoridad sa maagap na pag-aksiyon.
* * *
Mas negatibo ang naaalala kay Quezon City Councilor Franz Pumaren sa pamumudmod ng ayuda sa Barangay Matandang Balara, na naging super-spreader event.
Kahit ang barangay chairman na si Allan Franza ay hindi natuwa, dahil kinailangang i-lockdown ang anim na lugar bukod pa mayroong 73 bagong impeksiyon.
Pero, Mayor Joy Belmonte, paano naman ang super-spreader event nitong 29 Mayo nang daan-daang taga-Districts 1, 2, at 3 ang inabisohan para sa ikalawang bahagi ng social amelioration program (SAP) sa City Treasurer’s Office?
Hindi na naipatupad ang social distancing sa pagsisiksikan ng mga tao, pero walang isa man ang naipasuri. Sinusuwerte yata.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.