SWAK sa kulungan ang isang construction worker matapos magwala at manlaban sa mga barangay tanod na sumita sa kanya sa hindi pagsusuot ng face mask at paglabag sa curfew hours sa Malabon city, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang suspek na si Mark Angelo Torres, 2o anyos, residente sa Guava Road, Brgy. Potrero ng nasabing lungsod at nahaharap sa kasong Direct Assault at Alarms and Scandal.
Batay sa pinagsamang ulat nina police staff sergeants (P/SSgts.) Mardelio Osting at Diego Ngippol kay Malabon City police chief Col. Albert Barot, dakong 12:00 am, nagpapatrolya ang mga barangay tanod ng Brgy. Potrero sa kahabaan ng Guava Road nang makita nila ang suspek na walang suot na facemask at lumabag sa curfew.
Inimbitahan ng mga tanod si Torres sa kanilang barangay para sa documentation ngunit bigla na lamang nagwala at pinagsisigawan ng masasamang salita ang arresting officers.
Inawat ng mga tanod ang suspek ngunit hindi sila pinansin at nagpatuloy sa pagwawala kaya inaresto ngunit pumalag si Torres at pinagsisipa ang arresting officers hanggang siya’y maposasan.
(ROMMEL SALES)