NASAKOTE ng mga awtoridad ang itinuturing na high-value target (HVT) at tatlong kasamahan na naaktohang may shabu session sa kanilang tahanan sa Brgy. Tandang Sora, Quezon City, nitong Sabado ng gabi.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) Director P/BGen. Antoinio Yarra ni P/Lt. Col. Cristine Tabdi, station commander ng Quezon City Police District (QCPD) – Talipapa Police Station 3 (PS 3), ang mga suspek ay kinilalang sina Regan Alabastro, 36, Station Level drug watchlist; Jeanalyn Bartolay, 46, kapwa residente sa Taurus St., Brgy. Tandang Sora; Sherla Baylon, 34; at Kurt Pabalate, 33, residente sa Denmark St., Upper Banlat, Brgy. Tandang Sora.
Batay sa ulat, dakong 7:50 pm, 5 Hunyo, nang maaresto ng mga tauhan ng PS3 ang mga suspek sa tahanan nina Alabastro at Bartolay.
Nagsasagawa ng anti-criminality operations ang mga awtoridad nang maaktohan ang mga suspek sa kanilang shabu session kaya’t agad inaresto ang mga suspek.
Nakompiska sa mga suspek ang walong pakete ng hinihinalang shabu, nagkakahalaga ng P68,000, isang bukas na pakete na may bakas ng shabu, isang improvised glass tooter, dalawang aluminum foil strips, at dalawang disposable lighters.
Ang mga suspek ay nakapiit at nakatakdang sampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ALMAR DANGUILAN)