KAHINDIK-HINDIK ang kamatayan ng isang ginang na binaril sa leeg nang malapitang ng isang pulis na dati umanong nakasuntukan ng kanyang anak sa Brgy. Greater Fairview, Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Brig. Gen. Antonio Yarra, ang napatay ay kinilalang si Lilibeth Valdez, 52 anyos, residente sa Sitio Ruby, Brgy. Greater Fairview dahil sa tama ng bala sa leeg.
Habang todo-tanggi sa krimen ang suspek na si P/MSgt. Henzie Zinampan, na nakatalaga sa Philippine National Police (PNP) – Security and Protection Group (PSPG), kahit ang insidente ay nakunan ng video.
Batay sa salaysay ng anak ng biktima na si Beverly Luceño, dakong 9:00 pm nang maganap ang malapitang pagbaril sa isang tindahan malapit sa kanilang tahanan, kung saan bumili ng sigarilyo ang biktima at saka tumambay.
Maya-maya ay nilapitan ng suspek si Valdez na noon ay lasing at kitang-kita sa video na kaagad itong bumunot ng baril mula sa bag na itinago pa sa kanyang likuran bago lapitan at kausapin ang biktima.
Maririnig ang suspek na sinasabi sa biktima na “Sino’ng wala? Pareho tayong lasing ‘di ba?”
Sinagot naman siya ng babae na “Iwasan mo ‘yan,” na sinagot ng suspek na, “Anong iwasan? Anong iwasan? Ngayon na makikita… ha?”
Maya-maya ay inilabas ng suspek ang baril at ikinasa at saka sinabutan ang babae, sabay sabing, “Ngayon na! Dito ka!”
Nagmamakaawa naman ang babae at sinabing “Sir, huwag n’yo naman akong saktan!” pero bigla na siyang pinaputukan sa leeg ng suspek na nagresulta ng agarang kamatayan ng biktima.
Mabilis na naglakad palayo sa lugar ang suspek at iniwanang nakahandusay ang biktima.
Agad naaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) – Fairview Police Station ang suspek at nakuha mula sa kanya ang baril na ginamit sa pagpaslang sa biktima.
Nang kapanayamin ng media, todo-tanggi ang suspek at sinabing hindi niya ginawa ang pagbaril, kahit mayroong video footages ang insidente.
Ayon kay Beverly, dati nang may alitan ang suspek at ang kanyang kuya dahil nagkasuntukan umano noong 1 Mayo habang pareho silang lasing.
Panawagan ni Luceño, sana ay makonsensiya ang biktima at managot sa nangyari sa kanyang ina.
Nakapiit suspek sa Camp Karingal at sasampahan ng kasong murder.
Ipinag-utos na rin ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar kay Gen. Yarra na pabilisin ang proseso ng pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo sa suspek upang kaagad na matanggal sa serbisyo. (ALMAR DANGUILAN)
Check Also
Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL
IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …
Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado
SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …
Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC
BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …
Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP
NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …
Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY
PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …