Super-spreader event sa QC
MATITINDING banta ang pinakawalan ng mga taga-gobyerno laban sa mga lumalabag sa health protocols. Malinaw ang direktiba ng Pangulo: Arestohin ang mga pasaway at damputin ang konsintidor nilang kapitan ng barangay.
Kung kayo’y napabilib, magmasid sa inyong barangay kung may epekto ito sa kaligtasan ng mga pampublikong lugar laban sa CoVid-19. Mabuti pa, suriin ang bilang ng bagong nahawaan, na inilalabas ng Department of Health (DOH) tuwing Huwebes hanggang Lunes, kung dumarami ba ang mga kaso (ang tala ng Martes-Huwebes ay ang nasuri ng COVID testing labs ng weekend, kapag kakaunti ang empleyado nito).
Kung dumarami, hindi marahil inaaresto ang mga pasaway o hindi iyon ang tunay na solusyon. Naniniwala pa rin akong seryoso ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa pagsawata sa super-spreader events at sa matitigas ang ulong game sa “groufie.”
Posibleng maling lugar ang binabantayan nila.
Noong nakaraang linggo, isinapubliko ng QC ang mga pangalan sa bawat barangay ng hindi nakakubra ng ikalawang ayuda ng Social Amelioration Program o SAP. Bagamat napakagandang balita, ang pagpila ay naging potensiyal na super spreader ng daan-daang katao mula sa iba’t ibang distrito ang dumagsa sa City Treasurer’s Office nitong Sabado.
Bilang depensa, maaaring ikatuwiran ng QC na mayroong schedule: itinakda ng Sabado para makaiwas sa dagsa ng tao kapag weekdays, kinailangang magtrabaho ng ekstrang araw, at ipatupad ang protocols.
Ang totoo, ang mga upuan sa dalawang tent ay
walang dalawang talampakan ang pagitan, at wala rin distansiya sa pila sa labas, lalo ang senior citizens. Kulang din, at hindi estrikto, ang mga guwardiya at pulis.
Para sa akin, totoong super-spreader event iyon. Pero walang inaresto kaya walang natuto. Anang mga pumila, sana ay nagpaayuda na lang sa barangay dahil tukoy at naberipika na ang mga nasa listahan.
Ayaw nilang makipagsiksikan para lang sa ayuda. An’yare, Mayor Joy?
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.