MAY mga social media post na sinasabi ni Sharon Cuneta na maaaring magtagal pa ang kanyang bakasyon sa LA. Hindi naman maliwanag kung bakit. May nagsasabing baka tinitingnan din niya ang possibility na makakuha ng trabaho sa US, tutal medyo malamig na ang kanyang career dito sa ating bansa pero hindi maliwanag iyon.
May peligro rin naman ang masyadong pagtatagal niya sa abroad. Nangyari na iyan sa kanya noong umalis siya ng isang taon, nanirahan sa Boston dahil sinamahan niya ang kanyang asawang nag-aaral noon doon. Iniwan niya ang kanyang musical-variety show, kahit na naapektuhan na noon sa ratings nang makabanggaan ang PBA, nakakalaban naman.
Nang magbalik siya sa Pilipinas matapos ang isang taon, iba na ang sitwasyon. Hindi na siya binigyan ng isang musical variety show, kundi isang talk show na lang dahil masyado na ngang malaki ang budget ng musical na hindi na kayang suportahan ng advertising revenue. Pinilit niyang lagyan ng musical portions ang talk show niya pero wala rin. Dahil sa paghahanap ng “better alternative,” lumipat siya sa TV5 na nag-alok naman sa kanya ng kontratang P1-B. At alam naman natin ang naging ending, ipina-terminate niya ang kontratang iyon, nagbayad pa siya para sa pre-termination ng contract, nagbalik siya sa ABS-CBN, na simula naman noon hanggang ngayon ay walang naibigay na assignment sa kanya kundi mag-judge sa singing contest.
Hindi natin maikakaila na ang nakapagpahina ng diskarte sa kanyang career ay iyong desisyon niyang iwanan ang showbusiness ng mahigit na isang taon, at ang katotohanang nawala na rin ang dati niyang manager na si Mina Aragon na talagang nakatutok sa career niya noon.
Uulitin na naman ba ni Sharon na iwanan ang local showbiz nang napakatagal, at ano ang babalikan niya kung sakali pagkatapos niyon?
Kailangan nga sigurong pag-aralang mabuti ni Sharon ang kanyang mga career moves. Mahigit na apat na dekada na rin naman siya sa showbusiness, dapat alam na niya iyan.
HATAWAN
ni Ed de Leon