NALUTAS agad ng Quezon City Police District (QCPD) ang panggagahasa at pagpaslang sa isang miyembro LGBT community matapos maaresto ang tatlong suspek makalipas ang dalawang oras nang matagpuan ang biktima nitong 20 Mayo 2021 sa Brgy. Bagong Silangan, Quezon City.
Sa pulong balitaan kahapon nina PNP Chief, Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, at QCPD Director, PBrig. Gen. Antonio Yarra, kinilala ang tatlong suspek na sina Zander dela Cruz, alyas Dugong; Richard Elvin Delima Araza, alyas Tiago; at Joel Loyola, alyas Nonoy, pawang residente sa Barangay Bagong Silangan, QC.
Ang tatlo ay sinampahan ng kasong rape at robbery with homicide sa QC Prosecutor’s Office dahil sa panggagahasa, pagnanakaw, at pagpatay sa biktimang si Norriebe Tria, alyas Ebang Mayor.
Matatandaan, nitong 20 Mayo 2021, natagpuan ang bangkay ng biktima sa Brgy. Bagong Silangan na may palo ng bato sa ulo at mukha at pinasakan ng kahoy ang kanyang pagkababae na ikinamatay ng biktima.
Sa isinagawang follow-up operation ng QCPD Criminal Investigation and Detention Unit (CIDU) na pinamumunuan ni P/Maj. Mon Salve, matapos na kilalanin ng kaanak ang biktima, unang nadakip si Dela Cruz, ang kababata ng biktima, matapos malaman na isa siya sa huling nakitang kasama ng biktima bago matagpuan ang kanyang bangkay.
Nang isailalim sa imbestigasyon si Dela Cruz, hindi ito mapakali hanggang umamin sa krimen at itinuro sina Araza at Loyola, ang kanyang mga kasabwat sa krimen.
Ayon kay Monsalve, inamin ni Dela Cruz, na ang krimen ay nangyari nitong 17 Mayo 2021.
Nitong 21 Mayo 2021 ayon kay Yarra, hindi inaksaya ng tropa ng CIDU ang kanilang oras kaya inaresto sina Araza at Loyola sa kani-kanilang bahay sa Bagong Silangan.
Sa imbestigasyon, si Dela Cruz ang humampas ng bato sa ulo ng biktima nang magising matapos na sikmuraan para mawalan ng malay.
Si alyas Nonoy ang itinurong nagpasok ng kahoy sa maselang bahagi ng katawan ng biktima.
Ang huli rin ang itinurong nagtangay ng mga alahas ng biktima. (ALMAR DANGUILAN)