HINDI isinasara ni Luis Manzano ang posibilidad na pasukin niya ang politika tulad ng kanyang inang si Congresswoman Vilma Santos at ng amang si Edu Manzano na naging vice mayor ng Makati.
Natanong kasi si Luis ng fans sa kanyang Facebook live stream noong Miyerkoles kung tatakbo ba ito sa darating na eleksiyon sa 2022.
Sagot ng asawa ni Jessy Mendiola, ”Wala pa, pero malay natin.”
Kumbinsido kasi ang fans na may kakayahan ang actor na makapaglingkod sa taumbayan dahil sa pagiging mapagkawanggawa nito at mapagmahal sa kapwa.
Pagtatapat pa ni Luis,”Nakikita ko…baka naman na sa horizon ‘yan, ang pagiging isang politiko.
“Naniniwala ako na lahat tayo mayroong obligation o responsibility to serve. We have different capacities. Puwedeng from a simple act of service, or through public service talaga.
“Para sa akin, hindi ko isinasara ang pinto ko sa politika,” giit pa ng actor/tv host.
Pagkaraan nito’y tinanong naman niya ang kanyang mga social media follower ng, ”Ito ang pinakamagandang tanong, kung sakali ba na tumakbo ako, iboboto n’yo ba ako?
“May tiwala ba kayo sa akin pagdating sa boto ninyo? Iyon ang pinaka- magandang katanungan,” sambit pa ni Luis.
Marami naman ang tumugon sa tanong na iyon ni Luis at sinabing karapat-dapat itong tumakbo sa susunod na halalan dahil tiyak na mas marami siyang matutulungan.
Sinabi pa ng fans na ang tulad ni Luis ang kailangan ng bayan dahil ito ay may totoong malasakit sa mahihirap at mga nangangailangan.
Sa huli, sinabi ni Luis na, ”Tingnan natin kung tatakbo ako, tingnan natin kung anong posisyon.
“Ang filing ng candidacy ay October, kung hindi ako nagkakamali. Puwedeng-puwede pang humabol, kung sakali man.”
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio