Sen. Manny Pacquaio knockout kay Sen. Pia Cayetano sa 1st round (‘Philippine Boxing and Combat Sports Commission’)
MUKHANG hindi umubra ang ‘bilis’ ni pambansang kamao Senator Emmanuel “Manny Pacman” Pacquaio kay triathlete Sen. Pilar Juliana “Pia” Cayetano nang ‘ma-straight jab’ ang una sa kanyang panukalang pagtatatag ng Philippine Boxing and Combat Sports Commission na kinakailangan ng budget na P150 milyones mula sa kabang yaman ng bansa.
Sa kanyang mahabang interpellation sa plenaryo nitong Martes, isang ‘straight jab’ ang pinakawalan ni Senator Pia laban kay Sen. Pacman nang direktang tanungin na: “In this time of COVID, is that the best use of ₱150 million?”
Idinagdag ng senadora: “I’m asking his honor to reconsider what we can do with P150 million in this time of COVID. Vaccinations, safety protocols to allow children to go schools, ayuda (aid).”
“Yes, I love the athletes… but I’d like that P150 million to be put to good use,” dagdag ng triathlete na mambabatas.
Mantakin nga naman ninyo, mas malaki pa ang nasabing halaga sa budget ng Games and Amusement Board (GAB), na ang trabaho ay mag-regulate at mag-supervise ng professional sports, kabilang na ang boxing.
Iginiit ni Pacman na marami umanong hinahawakang sports ang GAB, kaya ang mapanganib na larong boksing ay nangangailangan ng isang solong komisyon na nakatuon lamang para rito.
Para kay Senador Pacman nararapat ang kanyang panukalang komisyon dahil maraming kapwa boksingero ang nagretiro nang hindi nakatanggap ng pension habang ang iba ay namatay nang hindi nakakuha ng kanilang mga benepisyo.
Idiniin ng boksingerong mambabatas na ‘yung P150 milyones, sa umpisa lamang ng pagtatayo ng Komisyon, kapag naitatag na umano ito ay hindi na ganoon kalaki ang kakailanganing budget na magmumula sa kabang yaman ng bansa.
“‘Yang 150 (million pesos), approximately more or less, pag-establish pa lang ng opisina. But after that, pagkatapos ma-establish, hindi naman ganoon kalaki.”
Pero iginiit ni Sen. Pia, mas dapat umanong dagdagan na lang ang budget ng GAB kaysa magbuo ng isang komisyon na ipa-padron lang ang trabaho ng nasabing komisyon.
Sa Senate Bill No. 2077 ni Sen. Pacman, nais nitong buuin ang isang Komisyon na susuporta sa paglago ng
boxing at iba pang contact sports, hikayatin ang pagdiskubre at pagsasanay ng “world-class” boxers and combatants, paunlarin ang kanilang kapakanan,
at itaguyod ang bansa bilang international o regional center para sa nasabing sports.
Pero hindi nakombinsi ni Senator Pacman si Madam Pia.
Mismong ang isa sa mga co-author ng panukala na si Senator Migz Zubiri ay nagsabi na “Round 2 bukas (19 Mayo, kahapon iyon).”
Kagila-gilalas na bakbakan!
Sa totoo lang, gusto nating kampihan si Senator Pia sa kanyang punto na sa panahon ng pandemya, ilohikal ang pagtatatag ng isang komisyon na gagastos ng P150 milyones.
Narito nga naman tayo sa panahon na kailangan ng bansa ang pondong pambili ng bakuna at pantustos sa iba pang pangangailangan para labanan ang CoVid-19.
Iyon ang foremost concern ngayon ng bansa — maglaan ng pondong pambili ng bakuna.
Nakikita natin ang punto ni Sen. Pacman sa kanyang panukala para nga naman maisabatas ang pangangalaga sa mga boksingerong nagbibigay ng karangalan sa bansa.
Pero, mukhang wrong-timing nga ang Senate Bill No. 2077 dahil nasa panahon tayo ng pandemya.
Sa ganang atin, mas direktang makatutulong si Sen. Pacman kung magtatayo siya ng foundation para sa mga boksingerong napabayaan ng pamahalaan.
Kung hindi tayo nagkakamali, si Senador Pacman ay founder ng The Manny Pacquiao Foundation (MPF), isang California (Estados Unidos) based non-profit organization, na ang pangunahing layunin ay tulungan ang mga kapos-palad sa buong mundo at bigyan sila ng pag-asa.
Major supporters niya rito sina Jack Ma, ng Jack Ma Foundation; Dana White, UFC President; at Shlomo Rechnitz ng Shlomo and Tamar Rechnitz Foundation.
Dapat, diyan umpisahan ni Senator Pacman ang kanyang malasakit sa mga kapwa boksingero —- sa kanyang sariling foundation — para naman maipakita niya ang tunay na pagkalinga sa kanyang mga kapwa boksingero.
Kung tutuusuin, kulangot lang sa multi-bilyones niya ang P150 milyones. E kapag nagawa ni Senador Pacman ‘yan, tiyak na lalong madaragdagan ang mga supporters niya…
Tiyak na mag-iiba ang ‘dating’ niya riyan. At baka diyan pa siya magkaroon ng ‘tsamba’ para maging presidente ng “Philippines, our Philippines, our native land.”
Wanna bet, Mr. Senator?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap