Patok na pa-swimming ng ‘gubat sa ciudad’ kinasahan ng millenials (Bata, senior citizens nabuking)
NAGPULASANG parang mga itik na naglublob sa ilog ang mga guest ng Gubat sa Ciudad Resort sa Barangay 171, sa Bagumbong, Caloocan City, kamakalawa, araw ng Linggo — na nagkataong pagdiriwang ng Mother’s Day.
Ito ngayon ang mainit na pinag-uusapan sa mga pahayagan, radyo, TV, at social media — ang ginawang pagbubukas ng Gubat sa Ciudad Resort habang nasa kasagsagan ng modified enhanced community quarantine (MECQ) ang lugar.
At dahil parang mga itik na nagpulasan ang mga guest sa swimming poll ng resort, agad silang nag-viral sa social media.
Nakita ang mga larawan ng grupo-grupong nag-iinuman at nagpi-picture-taking na mga kabataan sa iba’t ibang swimming attires.
Naturalmente without facemasks and face shields. Kapag nagkataon, instant spreader ng CoVid-19 ang pinakahuling pangyayari na ‘yan.
As per Inter-Agency Task Force for Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) guidelines, ang mga resort na gaya ng Gubat sa Ciudad ay papayagan magbukas kung ang isang lugar ay under general community quarantine (GCQ).
Pero, sabik na nga ang mga tao sa goodtime dahil bukod sa mainit na panahon (summer season) ay pagkakataon nga naman upang samantalahin ang ‘pasiklab’ ng mga may-ari ng resort para roon i-celebrate ang okasyon ng Mother’s Day.
Pasiklab dahil “Gubat sa Ciudad lang ang Sakalam!” ‘Yan ang bukambibig ngayon ng millennials.
Sa hindi inaasahang pangyayari, dumagsa ang mga tao at hindi na nagawang isikreto ang kawalan ng control ng resort management sa social distancing protocols, na sumambulat sa social media.
At dahil doon agad iniutos ni Caloocan Mayor Oscar “Oca” Malapitan ang pagpapasara ng nasabing resort habang nasa kasagsagan ng kasayahan ang mga dumayo sa lugar.
Nagkaroon ng ‘chaos’ o labo-labo matapos dumating ang puwersa ng pulisya nang i-disperse ang mga tao. Dito nabukelya na pati mga menor de edad at senior citizens ay pinayagang pumasok sa resort gayong alam naman na mahigpit itong ipinagbabawal ng IATF.
Ang siste, maging ang reporter ng TV5 na si Arnel Tugade, na naroon para i-cover ang closure order ay hindi nakaligtas sa galit ng mga na-dispersed na tao at sinamang-palad na mabugbog nang siya ay mahuling kumukuha ng video.
Ang tanong, magkano ‘este’ paano nakalusot ang ganitong pangyayari sa mata ng mga opisyal ng Baranggay 171 na nakasasakop sa lugar?
Anyare Barangay Chairman Romeo Rivera?
Sinasabing dalawang kilometro ang layo ng bahay mo sa nasabing resort kaya imposibleng makalusot sa ‘radar’ mo ‘yan!
Ang balita ay tatakbo ka raw konsehal ng lungsod sa darating na eleksiyon. E paano mo aayusin ang mas malaking distrito kung ang simpleng problema sa iyong maliit na barangay ay hindi kayang iresolba?!
Hindi kaya maging sakit ka lang ng ulo sa konseho, Chairman?!
Samantala, nagbigay ng direktiba si Mayor Oca na agad ikansela ang business permit ng Gubat sa Ciudad at magsagawa ng imbestigasyon sa pangyayari.
Nag-utos din ng malawakang contact tracing, close monitoring at agarang RT-PCR testing sa lahat ng indibiduwal na nasa loob ng resort kahapon.
Nangako si Malapitan na papanagutin ang may-ari ng Gubat sa Ciudad at mga opisyal ng Barangay 171 na nagpabaya sa kanilang tungkulin para maisaayos ang pagpapatupad ng health and safety protocols ng IATF.
Ano kayang aksiyon ang ipapataw sa mga opisyal na lumabag.
Let’s wait and see…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap