INAPROBAHAN na pala ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang online sabong.
‘Yan ay sa layuning makakuha ng Presidential social funds dahil sarado umano ngayon ang mga casino.
Wala bang online casino? Humihina ba ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs)?
Anyway, ‘yan daw ang dahilan kung bakit inaprobahan ang aplikasyon ng Lucky 8 Starquest ni Atong Ang, at Belvedere Corp., ni Bong Pineda.
Ayon sa PAGCOR, dalawang kompanya pa lang ang pinapayagan nilang magpalabas ng online sabong, sa kabila ng naglipanang ilegal na e-sabong sa internet, dahil sila lang ang nagbigay ng P75 milyong performance bond.
Kung makapagbibigay ng performance bond na P75 milyones ang iba pang aplikante, malamang bigyan din sila ng lisensiya ng PAGCOR.
Ang iba pang kompanya gaya ng Encuentro, Magnus, at Oriental Capital Venture ay hindi pa nagbabayad ng mga kaululang fees at taxes kaya hindi pinapayagang magpalabas ng sabong sa kanilang website, ayon kay PAGCOR chair Andrea “Didi” Domingo.
Palagay naman natin ‘e tatangkilikin ng sambayanang mananabong ang mga legal na sabong online dahil mas malaki yata ang ikinakaltas sa kanila sa mga naglipanang e-sabong sa internet?!
Bukod diyan nagbanta si Chair Didi na nakikipag-ugnayan sila sa PNP para hulihin ang online sabong sites na wala pang mga lisensiya.
Kaya, kayong ilegalistng online sabong, kuwidaw kayo kay PAGCOR Chair Didi.
Pero ano itong naririnig natin na ang mismong may-ari ng sabong websites na kingsportslive.com at sabonginternational.com ay mga mambubutas ‘este’ mambabatas?
Mukhang hindi kayo tatantanan ni Chair Didi dahil sabi nga niya, “Ang e-sabong ang major source ng funds namin sa ngayon dahil nagsara ang mga casinos due to CoVid.”
Mantakin n’yo naman, sa panahon ng pandemya, e nakakukuha pa ng pondo sa online betting ang pamahalaan?!
Kaya lalo tuloy tayong napapatanong, saan ba talaga napunta ang P278 bilyong pondo ng Bayanihan 1 at P165.5 bilyong pondo ng Bayanihan 2?
At ngayon nga ay isinusulong pa sa Mababang Kapulungan ang Bayanihan 3 para umano sa P10 Ayuda Bill.
Parang napakamapagkalinga ng pamahalaan base diyan sa Bayanihan 1, Bayanihan 2, at isinusulong na Bayanihan 3.
Pero bakit, lalong naghihikahos ang mga mamamayan? Bakit wala silang naaasahan? Bakit lahat ng taong nakakausap natin ‘e sinasabing wala silang natanggap na ayuda sa gobyerno?
Sino lang pala ang nakinabang sa mga ayuda na ipinamamarali si Bayanihan 1 & Bayanihan 2?!
At ngayon nga, mayroong legal na sabong online para pagkuhaan umano ng social funds ng pangulo na itinutulong sa mga kababayan nating nangangailangan?!
Hay, sana naman magkatotoo ‘yan, base sa pagpayag na gawing legal ang sabong online.
Abangan natin kung ano ang mahihita ng sambayanang nagugutom sa legal na sabong online.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap