RVES school pantry handog sa mga mag-aaral ng Pasay
UPANG maibsan ang epekto ng CoVid-19 pandemic at makatulong sa mas higit na nangangailangan ay naglunsad ang Rivera Village Elementary School (RVES) ng ‘school pantry’ para sa mga mag-aaral sa lungsod ng Pasay.
Ayon kay RVES Faculty President Joeffrey ‘Action Man’ Quinsayas, nagkaisa ang mga guro, GPTA at Supreme Pupil Government na bumuo ng isang proyekto na may temang “RVES school pantry: Handog sa mag-aaral V 2.0” na ang layunin ay tumulong sa ilang indigent families o poorest of the poor na pamilya ng mga mag-aaral na naapektohan ng matinding kalbaryong idinulot ng pandemya.
Sa tulong ng mga magulang, sinuportahan at naisakatuparan ang adhikain ng paaralan na handugan ang mga nangangailangan at ilang kapos-palad na mag-aaral na pinagkalooban ng mga essential foods, face shield at iba pa.
Nabatid kay Gng. Renelyn Pinapit, Grade III teacher, sa unang bugso ay umabot sa 90 ang benepisaryong nahandugan ng RVES school pantry at inaasahang masusundan pa ng panibagong 90 benepisaryo sa susunod na linggo.
Patuloy na bumubuhos ang suporta ng ilang concerned citizens para sa magandang layunin ng nasabing paaralan.
Sa kabila nito, ikinagalak ni Gng. Anicia Monton, Principal ng RVES ang pagbubukas ng school pantry na pansamantalang nakabawas sa gastusin ng ilang indigent families, partikular sa mga magulang na nawalan ng trabaho bunsod ng pandemya.