AKALA ng inyong lingkod kanina, may ‘virus’ na kumakalat sa social media.
Aba ‘e halos napuno ang newsfeed ko ng mga taga-media na kasama sa selfie o groupie si incoming Philippine National Police (PNP) Chief, Gen, Guillermo Eleazar.
‘Viral’ pala, hindi virus… hehehe.
Kidding aside, gusto muna nating batiin si Gen. Eleazar — “Congratulations Sir! That top PNP post badly needed an officer and a gentleman like you.”
Kaya nga, ‘viral’ ka kahapon sa newsfeed, e. Ibig sabihin walang kontra, lahat pabor.
Talaga namang tunay na “Darling of the Press” ang bagong PNP Chief.
Kung nasusundan ninyo, mga suki, ang karera ni Gen. Eleazar, masasabi natin ngayon, “sa hinaba-haba ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.”
Kamakalawa, sinabi ng palasyo na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Gen. Eleazar bilang bagong PNP chief bunsod ng kanyang integridad, propesyonalismo, at dedikasyon to serve and protect the people and the country.
Alam naman nating lahat na ang papalitan ni Gen. Eleazar ay ang No. 1 fan ni Voltes V na si outgoing PNP Chief, Gen. Debold Sinas, akatakdang magretiro bukas, Sabado, 8 Mayo, dahil sa mandatory retirement age na 56 anyos.
Sana naman, walang paglabag na maganap sa health protocols bukas. Kung magkakaroon ng ‘asalto’ para sa kanyang birthday, e huwag naman sanang maging eskandaloso na naman.
Huwag na mag-iwan ng isyu na tatabon pa sa karera ni Gen. Eleazar bilang bagong PNP chief.
Abangan na lang natin kung ano ang magiging ‘pabaon’ o ‘pabuya’ ni Gen. Sinas sa kanyang mga patron.
Si Gen. Eleazar ay mula sa Philippine Military Academy (PMA) Class 1987, naging PNP Deputy Chief for Administration at hepe ng National Capital Region Police Office (NRCPO).
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, inaasahan ng Malacañang na ‘ipagpapatuloy’ ni Eleazar ang mga reporma sa PNP sa kanyang pag-upo bilang pinuno ng pambansang pulisya.
By the way, nakatakdang magretiro si Eleazar sa darating na Nobyembre 2021, alinsunod rin sa mandatory retirement age na 56 anyos.
Ibig sabihin, anim na buwan lang maninilbihan bilang pinuno ng pambansang pulisya si Gen. Eleazar, maliban kung palalawigin ito hanggang sa eleksiyon sa 2022.
O kung, bibigyan siya ng appointed position sa government offices, bilang ‘pabaon.’
Pansamantala, hayaan nating ipagpatuloy ni Gen. Eleazar ang kanyang paglilingkod sa sambayanan bilang PNP chief.
Muli, congratulations Gen. Eleazar!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap