MARAMI na ang nag-aabang sa pelikulang Lockdown na pinagbibidahan ng hunk actor na si Paolo Gumabao. This early, pinag-uusapan na ang pagiging daring dito ng aktor.
May mga nagsasabi rin na swak ang Lockdown sa mga international filmfest at may kakaibang appeal sa international market.
Sa aming panayam kay Paolo sa online show naming Tonite L na L! nina katotong Roldan Castro at Chuffa Mae Bigornia, inusisa namin kung ano ang naging reaction niya nang nalamang siya ang bida sa Lockdown?
Tugon niya, “Well, nang nalaman ko po na ako ang napiling bida sa pelikulang Lockdown, sobrang tuwa ko po noon. Actually, napaiyak po ako kasi ano siya, first lead role ko. Matagal ko po siyang pinangarap, matagal ko siyang pinaghirapan and ang sarap pala sa pakiramdam kapag alam mong pinaghirapan mo ang isang bagay, tapos ay nakuha mo.”
Sinabi rin ni Paolo na hindi siya nagdalawang isip na tanggapin ang pelikula kahit may frontal nudity dito.
Ani Paolo, “About sa frontal nudity, noong audition pa lang po kasi ay sinabi na sa akin ni Direk Joel na may frontal nudity. Sabi ko naman, ‘Sige po.’ Pero binasa ko muna ang script and nang nabasa ko, na-amaze ako sa kuwento.
“Iyong frontal nudity ay hindi (siya) bastos tingnan, kasi ay art film talaga siya and may tiwala kasi po ako talaga kay Direk Joel.”
Masasabi ba niyang kailangan talaga sa pelikula ang frontal nudity na mapapanood dito? “Opo, kailangan talaga sa movie iyong frontal nudity to show the reality of this pandemic, na maraming tao talaga ang kumakapit sa patalim sa pandemyang ito. At iyon ang kailangan naming ipakita sa viewers ng movie,” esplika ni Paolo.
Ano ang ginawa niyang preparasyon para sa pelikulang ito? “In terms of preparation, siyempre makakatrabaho natin si Direk Joel Lamangan, kaya kailangan na memorized mo ang lahat ng lines mo. So, binasa ko talaga ang script nang paulit-ulit, to the point na super-memorized ko na ‘yung lines, na hindi ko na kailangan pag-isipan kung ano ang next lines ko.
“Kasi siyempre Joel Lamangan, alam naman natin na napakagaling na director and for sure, kapag nakatrabaho mo si direk Joel, kailangan maipakita mo ang kaya mong gawin, maipakita mo ang talent mo, at hindi ka dapat pumalya sa kanya.”
Kumusta siya bilang director? Namura ba siya ni Direk Joel?
“Hindi po niya ako namura, happy ako na hindi niya ako namura,” nakangiting wika ni Paolo. Pagpapatuloy pa niya, “Si Direk Joel naman po, kunwari may mga eksena akong nakulangan siya, sinasabi naman niya nang maayos. And as long as mag-comply ako agad at nagawan namin nang paraan, okay na po.”
May love scene ba siya rito sa kapwa lalaki?
“Marami po, napakarami… kasi may ibang cast din sa Lockdown, ‘yung ibang boys like si Sean de Guzman, ‘yung bida sa Anak ng Macho Dancer.
“May mga eksena po kasi kami roon na magkakasama kaming lahat, hindi ba ang kuwento po kasi ay parang mga videocall boys kami… and may mga request ang mga foreigner na, gusto nila ay maghahalikan kaming lahat. So, ganoon po.”
May intimate scene ba sila rito ni Max Eigenmann? “Mayroon din po, kami ni Max, may mga eksena kami rito na medyo daring and I’m sure na matutuwa rin ang mga manonood nito sa mga eksenang iyon.
“Si Max po, sobrang sarap niyang makatrabaho, sobrang professional siya. We all know naman na she’s an award-winning actress, so siyempre iyong mga eksenang ginawa namin… masarap siyang kaeksena.”
Ang Lockdown ay mula FLA Films at ito’y ukol sa cyber-sex or videokol. Tampok din dito sina Allan Paule, Ruby Ruiz, Jess Evardone, Jim Pebanco, Angeline Sanoy, at iba pa.
Ayon sa producer nilang si Jojo Barron, ang kanilang pelikula ay sumasalamin sa struggle ng isang pinauwing OFW at ang kanyang pamilya sa panahon ng pandemya. “Naka-angkla ang Lockdown sa napapanahong istorya, mahusay na script, at masining na direksiyon. Ang pagpapakita rito ng maselang bahagi ng katawan ay maituturing na ‘bonus’ na lamang,” saad ni Mr. Barron.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio