INILUNSAD noong Abril 27 ang Unsung Sariling Bayani Online Film Festival ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa pakikipagtulungan sa National Quincentennial Committee (NQC). Suportado ito ng Bureau of Learner Support Services – Youth Formation Division ng Department of Education.
Sa paglulunsad ng USB, mayroong mga kamangha-manghang kuwento ng kabayanihan sa kasaysayan ng Pilipinas, at mayroon ding simpleng kuwento na kapupulutan ng inspirasyon. Ang mga hindi pa kilalang kuwento ng kabayanihan ay dapat bigyang pansin, at ang mga ito ay ipamamalas sa USB Short Film Competition ni Kidlat Tahimik.
Sa pamamagitan ng kauna-unahang USB, nais ng National Artist for Film and Broadcast Arts na si Kidlat Tahimik na mabalanse ng cinematic movement ang impluwensiya ng foreign comic book superheroes sa mindset ng kabataang Filipino sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga pakikipag-ugnayan patungkol sa mga dakilang kuwento ng ating sariling mga bayani.
“Balik tayo sa simple storytelling. I think we are all, even at a high school age, we are intelligent enough to see a positive value in somebody older or chosen as a hero who can really bring out the best in us,” ani Kidlat Tahimik.
Sinabi pa ni Kidlat Tahimik, 78, ”I think it is very timely, itong 500 years after to let this be a catalyzer. Para sa akin, magandang catalyzer itong pang-udyok para maka-focus tayo on heroism but maybe also on redezining ‘Ano ba talaga ang heroism?’”
Ang competition na para sa mga Filipino ay tumatanggap ng short films ng kahit anong genre basta may kuwento patungkol sa buhay at mga nakamit ng mga documented at verifiable na unsung local heroes. Ang entries ay dapat 5 hanggang 8 na minuto, kasama na ang credits.
May tatlong kategorya ang USB: Youth Category – Senior High Student (Public School), Youth Category – Senior High Student (Private School), at Adult Category (Aged 18 pataas). Ang deadline para sa pagpasa ng entries ay sa Oktubre 11, 2021.
Ang FDCP Channel ang magsisilbing host ng USB Online Film Festival mula Nobyembre 11 hanggang 17 pati na ang Awards Ceremony sa Nobyembre 14.
Maliban sa festival proper, magkakaroon ang USB ng FDCP Film School Basic Workshop on Filmmaking at ang Storming with Kidlat: Usapang Bayani Forum na makakapanayam mismo ng participants ang National Artist.
Magkakaroon ng 30 finalists ang USB, na may equal representation mula sa National Capital Region (NCR), Luzon, Visayas, Mindanao, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Tatanggap ang finalists ng cash prizes at libreng access sa lahat ng educational events para makatulong sa kanilang filmmaking process. Pagkatapos ng competition, magkakaroon ng pagkakataon ang USB winners at finalists na dumalo sa karagdagang libreng training sessions at workshops ng FDCP.
“Through the guidance of National Artist and Father of Philippine Independent Cinema Kidlat Tahimik together with other esteemed Filipino filmmakers, I am confident that the USB finalists will take inspiration and motivation from Tatay Kidlat’s ‘bamboo camera filmmaking’ to promote the appreciation for lesser-known local heroes through short films,” sambit ni FDCP Chairperson at CEO Liza Diño.
Ang bamboo camera ay simbolo ng local storytelling ni Kidlat Tahimik. ”Let the bamboo cameras guide our filmmaking,” anang National Artist o Eric de Guia. Nakatanggap siya ng mga parangal mula sa Cinemalaya, Gawad Urian, Prince Claus Fund, Amiens International Film Festival, at Berlin International Film Festival, bukod sa iba pa.
“Sa dami ng mga bagong kuwento, I think yayaman ang kasaysayan ng Pilipinas and we, the small filmmakers, can contribute to the archives of our relevant local history,” giit pa ni Kidlat Tahimik.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio