P19.1-B pondo ng NTF-ELCAC ipambili ng bakuna
MAINIT ngayon ang sambayanan sa P19.1 bilyong pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) dahil sa inaasal ng kanilang mga tagapagsalitang sina Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr., at Communications Undersecretary Lorraine Badoy sa promotor ng community pantry.
Kasama na sa sambayanan na ‘yan ang mga senador, na gusto silang tanggalan ng budget.
Mainit, dahil ayaw tantanan ng red-tagging nina Parlade at Badoy si Ana Patricia Non a.k.a. Patreng, ang promotor ng community pantry ngayong panahon ng pandemya.
Hindi natin maintindihan kung bakit pati gawang magaling na nakabubuti at nakatutulong sa kapwa ay masyadong binubusisi nitong sina Parlade at Badoy gayong ang kanilang ahensiya na NTF-ELCAC hanggang ngayon ay hindi man lang makapag-immerse sa mga komunidad na sinasabi nilang ire-rescue nila sa impluwensiya ng CPP-NPA (Communist Party of the Philippines – New People’s Army).
Nasaan na? Ano na ang development Sir & Ma’m sa pakikipag-ugnayan ninyo sa mga barangay na nais ninyong sagipin sa CPP-NPA?
Nabisto tuloy na ang budget ng NTF-ELCAC ay mas malaki pa kaysa mga ahensiyang naghahatid ng direktang serbisyo o batayang serbisyo sa mamamayan.
E kung piyaet-piyaet lang din naman ang ibinibigay ninyong serbisyo, saan pala napupunta ‘yang P19.2 bilyong pondo ninyo, Sir & Ma’m?
Sa malalaking perks ba ng mga opisyal ng NTF-ELCAC? Sa PR group na hindi naman napagaganda ng imahen ng NTF-ELCAC? O sa ‘payola’ ng grupo ng isang pseudo-journo na mahilig umepal?!
Sa ganang atin, mas mainam pang ibili ng bakuna ang pondong P19.1 bilyones ng NTF-ELCAC para mas maraming masagip at matulungan.
Ayos ba ‘yun mga ‘speaker’ este spokespersons Sir Parlade & Madam Badoy?
Hayaan n’yo namang matuwa kami sa inyo… hik hik hik!
BUWAYANG MTPB
Babala!
Mag-ingat sa kanto ng Juan Luna St., at Dasmariñas. Lalo ang mga motorista. Dahil kung tatanga-tanga, tiyak na sasagpangin ng buwaya.
Kamakalawa, isang kabulabog natin ang biglang sinita ng isang naka-unipormeng kagawad ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).
‘Pag hinto, agad hiningi ang OR-CR ng driver. At sinabihang expired na ang rehistro.
Mabuti na lamang at hindi na-bluff ang driver. Sinabi niyang ang plaka niya ay natatapos sa nueve (9) ibig sabihin, sa Setyembre pa kailangang magparehistro ulit.
Pero kahit anong paliwanag, ipinipilit ng kumag na ‘expired’ ang rehistro.
Dahil gabi na at masyado nang naaabala ang kabulabog natin, bigla siyang nag-abot ng 1K.
Aba, parang lumiwanag ang mukha ni Kuya MTPB, biglang ini-release ‘yung kabulabog natin, at hinayaang maging ‘normal’ ulit ang buhay.
Paging Manila traffic czar Dennis Viaje, mukhang may natitira pang ‘buwayang kati’ diyan sa kanto ng Juan Luna at Dasmariñas streets…
Pakibingwit n’yo na nga po at baka lumaki ‘yang buwaya na ‘yan ‘e kayo na ang sagpangin.
‘Yun lang po.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap