PUMANAW na ang veteran director na si Toto Natividad, 63, noong Martes, matapos tamaan ng COVID-19.
Si Navotas Mayor Toby Tiangco ang naghatid ng malungkot na balita sa pamamagitan ng kanyang Facebook post.
Aniya, ”Isa na namang masipag na serbisyo publiko at matapat na katuwang ng pamahalaang lungsod sa paglaban sa pandemya ang nawala sa atin. Ikinalulungkot po nating ibalita ang pagpanaw ni Kap. Toto Natividad, punong barangay ng North Bay Boulevard South (NBBS) Kaunlaran.
“Kahit na senior citizen na at bahagi ng bulnerableng sektor na may mas mataas na tyansang mahawa ng COVID-19, hindi nagpapigil si Kap. Toto sa pangunguna sa pag-asikaso at pangangalaga sa kanyang mga kabarangay.
“Palagi ang kanyang paalala sa kanyang nasasakupan, mapa-personal o sa social media, na mag-ingat para makaiwas sa sakit. “Nakikiramay tayo sa kanyang pamilya, kaibigan at lahat ng mahal sa buhay, at sa lahat ng mga taga-NBBS Kaunlaran. Malaking kawalan si Kap Toto, hindi lamang sa inyo, kundi sa buong Navotas.
“Hindi matatawaran ang kanyang paglilingkod, at nawa’y manatili sa atin ang mga aral na kanyang naituro at kabutihan na kanyang nagawa.”
Bago ito, nanawagan pa ang anak niyang si John Isaac Natividad para mai-confine sa ospital ang kanyang ama. ”Ako po ay mapagkumbababang humihingi ng tulong po para sa aking ama na si Direk Toto Natividad, kailangan po maconfine ni papa sa ospital.
“Nahihirapan po kami ngayon makahanap ng ospital dahil puno po lahat. baka po makahingi ng tulong niyo.”
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio