KULUNGAN ang kinahinatnan ng tatlong babae, kabilang ang isang lola matapos maaresto sa isinagawang entrapment operation ng pulisya dahil sa modus na sanlang-tira at estafa sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Malabon City police chief Col. Joel Villanueva ang naarestong mga suspek na sina Sally Evangelista, 44 anyos, residente sa Dagat-Dagatan, Caloocan; Ma. Violeta Prado, alyas Jolly Berano, 66 anyos, ng North Bay Boulevard South, Navotas; at Josephine Concepcion, 29 anyos, residente sa Brgy. Longos, Malabon.
Sa pinagsama-samang ulat nina P/SSgt. Jose Romeo Germinal, P/SSgt. Michael Oben, at P/Cpl. Renz Baniqued kay Col. Villanueva, nagpanggap si Prado na may-ari ng isang bahay sa Block 17 Lot 69 Area 3 Kaunlaran Village, Caloocan City.
Inalok umano ng mga suspek ang complainant na si Mildred Gamboa, 27 anyos, residente sa Laguna Ext., Tondo, Maynila ng eskimang ‘sanlang-tira’ sa isang bahay sa halagang P100,000.
Dahil sa matatamis na salita ng mga suspek ay nagawang maloko ang biktima at nagbigay sa kanila ng inisyal na halagang P50,000 noong 21 Abril 2021 ngunit kinaumagahan ay nadiskubre ni Gamboa sa social media na isang scammer ang suspek.
Kamakalawa ng hapon, 24 Abril, muling nakipagtransaksiyon ang suspek sa biktima para sa kabuuang bayad ng dati nilang kontrata na naging dahilan upang humingi ng tulong si Gamboa sa SS-5 at mga barangay tanod ng Brgy. Longos.
Dito, natuklasan na ang isinanglang bahay ay hindi naman pagmamay-ari ng suspek base sa rekord ng barangay.
Nadiskubreng ang suspek ay sinampahan ng kasong estafa sa Brgy. Longos ng isang Mary Grace Rosales hinggil sa eskimang ‘sanlang-tira’ sa kaparehong bahay.
Isinagawa ng mga tauhan ng SS5 at mga barangay tanod ang entrapment operation.
Nakipagkita ang biktima sa mga suspek sa Blk 17, Brgy. Longos dakong 12:30 pm na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Narekober sa mga suspek ang isang brown envelope na naglalaman ng kasunduang ‘sanlang-tira’ iba’t ibang identification cards ng suspek, at puting envelope na naglalaman ng isang tunay na P1,000 bill at boodle money.
(ROMMEL SALES)